Nitong nakaraan ay nagkaroon ng isyu kaugnay sa umano’y paglilipat ng mga monumento nina Gat Andres Bonifacio at Emilio Jacinto sa Pinaglabanan Street kung saan giniba na ng local government ang dati nilang puwesto sa main road, at inilipat ang mga monumento ng dalawang bayani sa loob mismo ng Pinaglabanan Shrine Complex.
Ayon kay San Juan City Mayor Francis Zamora, pinag-aralan nilang mabuti at dumaan sa tamang proseso ang paglilipat sa mga monumento nina Gat Andres Bonifacio at Emilio Jacinto.
Subalit kinuwestiyon ito ni Senador JV Ejercito na dating San Juan mayor at ayon sa kanya, kaya itinayo ang mga simbolong ito ay para madaling makita ng publiko at bilang paalala na sa San Juan nagsimula ang rebolusyon laban sa mga Kastilang mananakop.
Depensa naman ni Zamora, nararapat lamang na malipat sa tamang lugar ang mga monumento para mas mapangalagaan ito ng lungsod sa tulong ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP).
“Ito po ang inatake ni Andres Bonifacio noong August 30, 1896 upang makuha ang suplay ng tubig ng mga Kastila. Bagama’t hindi nagwagi ang mga Katipunero, ito ay nagsilbing hudyat ng mga malakihang paglaban na tuluyang nagbigay ng kalayaan sa bansang Pilipinas,” sabi ni Zamora.
Ayon sa datos ng San Juan, marami na ang naitalang aksidente sa dating puwesto ng mga monumento.
“Mula noong nakaraang taon hanggang ngayon, pitong aksidente na ang nangyari sa mga dating kinatatayuan ng mga monumento,” ani Zamora.
“Dati kasi noong nandoon pa yung mga monumento natin, maraming pagkakataon na hindi makita ng mga sasakyang galing sa kabilang bahagi ng kalye yung mga kasalubong nila. Base na rin sa reports ng mga pulis, yung mga aksidenteng nangyayari ay dahil na rin yung mga monumento ay nasa gitna ng kalye,” paliwanag pa ni Zamora.
Dapat ay mapag-usapang mabuti kung dapat nga bang ilipat ang mga monumento ng ating mga bayani na nagsisilbing inspirasyon para sa lahat.