Sinuspinde ng gobyerno ng Kuwait ang lahat ng uri ng trabaho at entry visa para sa mga Pilipino sa naturang bansa.
Ito ay matapos ipaliwanag ni Interior Minister Sheikh Talal Al-Khaled Al-Sabah na hindi raw sumunod ang Pilipinas sa mga probisyon ng labor agreement sa pagitan ng dalawang bansa.
Ayon sa isang ulat, sinabi umano ng Philippine Embassy sa Kuwait noong Martes na hindi pa sila nasasabihan ukol sa naturang desisyon ng mga awtoridad ng Kuwait.
Nasa 268,000 na Pilipino ang nagtatrabaho at nakatira sa bansang nasa Middle East.
Matatandaang noong Pebrero ngayong taon, sinuspinde ng Pilipinas ang pagpapadala ng mga “first-time household service workers” sa Kuwait matapos matagpuang walang buhay ang isang Filipino domestic worker nang patayin siya ng anak ng kaniyang amo.
Apektado ng naturang ban ang nasa 47,099 na OFW, ayon sa Department of Migrant Workers.