Hindi maikakailang talagang sobrang init ng panahon ngayon at lahat halos ng ating mga kababayan ay nagrereklamo na sa sobrang init na nararamdaman lalo na kung tanghaling tapat.
Kasabay rin ng pag-init ng panahon ay ang pag-init rin ng ulo ng karamihan sa atin dahil siguradong tataas na naman ang babayarang kuryente dahil sa pagbubukas ng mga aircon at sandamakmak na bintilador.
Pero hindi lamang ang sambayanan ang apektado nang sobrang init na nararanasan sa bansa, dahil maging ang kalikasan ay naaapektuhan na rin.
Nitong nakaraan nga ay naiulat na namatay ang halos 5,000 kilo ng tilapia dahil sa matinding init ng panahon sa San Ildefonso, Ilocos Sur.
Ayon sa municipal agriculturist, posibleng dulot ng pagkatuyo ng tubig sa ilang palaisdaan at pagbaba ng oxygen level ang pagkamatay ng mga tilapia at nakadagdag din ang overstocking sa kulungan ng mga isda.
Dahil diyan, inasahan na rin ang pagtaas ng presyo ng tilapia na ngayon ay nasa P150 na umano kada kilo mula sa dating P140. Limitado rin ang dating ng supply ng tilapia mula sa Pangasinan.
Hindi lang mga isda, dahil maging ilang poultry farms sa Ibaan, Batangas ang nag-ulat na ilang mga manok nila ang namatay na dahil sa matinding init ng panahon nitong mga nakaraang araw.
Ayon sa isang may-ari ng poultry, namatayan na siya ng pitong manok noong nakaraang linggo dahil hindi na mapigil ang sobrang init ng panahon.
“Nagsabay-sabay, tapos ‘yung the rest naman nagpunta sila doon sa medyo malamig. ‘Yung lugar na kanilang pinagkamatayan, napakatindi ng sikat ng araw,” saad ng may-ari.
Dadgag pa nito, titigil muna ito sa pag-aalaga ng mga manok kapag naibenta na niya ang mga natitira pa, dahil sa pangamba ng mga posibleng epekto ng El Niño.
Kaya paalala lamang sa ating mga kababayan, dapat ay iwasan nang lumabas ng bahay kapag sobrang init, dahil may tsansang ma-heatstroke.