Nagpaliwanag ang aktres na si Jennica Garcia kaugnay sa kanyang post na ilan buwan nang walang aircon na hindi niya inasahang magba-viral sa social media.
Kung matatandaan kasi, naging usap-usapan ang naging emosyonal na Instagram message ni Jennica para sa panganay na anak na si Mori at kasama nga sa sinabi niya ang pagbili niya ng aircon.
Naikwento niya sa nasabing post na matagal-tagal na silang nagtitiis sa init tuwing matutulog kaya bibili na siya nito.
“Pagpahingain na natin yung electric fan, 10 months na tayong lapot gumigising. Wag na natin paabutin ng isang taon,” saad niya sa kanyang naunang IG.
At dahil sa interview ni Bernadette Sembrano kay Jennica sa YouTube, naipaliwanag na ng aktres ang tungkol sa viral post.
“‘Yung condo ko po kasi is a studio type tapos high ceiling siya. So kahit maliit lang ‘yung space niya, ang laki ng kailangan na horsepower ‘nung aircon. E window type ‘yung aircon namin sa bahay. Kaya ilang beses na po nasisira kasi pinipilit ko,” sabi ni Jennica.
“Parang six months na kaming walang aircon dahil nakailang paayos na po ako, hindi ko na po pinaayos. Hindi naman po nagrereklamo ‘yung bata sa gabi na mainit. Okay naman po sila sa electric fan,” dagdag niya.
Inamin din ni Jennica na ang kanyang pagiging praktikal ay natutunan niya sa pagiging single mom.
“Feeling ko naman po ‘yung pagiging ganito ko [pagiging praktikal], na-develop ko na dahil naging single mom po ako,” sambit ng aktres. “Iba po kasi kapag may katuwang ka sa buhay medyo loose ako ‘nung time na ‘yun sa money. ‘Yung hindi ko masyado iniisip.”
“Lalo pa ‘yung ex-husband ko at that time e siya naman po talaga ‘yung nagpo-provide kaya po siguro hindi ko rin po masyadong iniisip ‘yung mga gastos,” dagdag pa niya.
Hindi rin daw basta-basta ang pagiging single mom dahil kailangang maging malakas at malusog upang maibigay ang mga pangangailangan ng kanyang anak.
“Pag single mom ka kasi hindi ka pwedeng magkasakit, hindi ka pwedeng hindi healthy, hindi ka pwede ‘yung basta-basta ‘yung ‘ay pagod ako ngayon’ o kunwari ‘ay kakatapos lang ng Dirty Linen, hindi muna ako tatanggap ng project kasi magpapahinga muna ako.’ Walang ganun,” saad ni Jennica.
“Talagang kahit pagod ka, lahat go, kahit ano go…e dati naman po, hindi ako nag-o-audition kasi duwag po ako e,” dagdag pa niya.