Iniulat ng mga otoridad na namatay ang isang magsasaka at ang live-in partner nito matapos pagbabarilin ng mga hindi pa nakilala at hindi mabilang na salarin habang natutulog sa kanilang bahay sa Barangay San Jose, San Pablo City, Laguna nitong Sabado ng gabi.
Ayon sa San Pablo City Police, natutulog sa loob ng kuwarto ang dalawa dakong alas 9:30 ng gabi nang paulanan ng bala ang kanilang bahay at tumagos umano ang mga bala sa dingding ng bahay na gawa sa light materials at natamaan ang mga biktima.
Dead on the spot ang mga ito matapos magtamo ng mga tama sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Iniimbestigahan ng San Pablo City Police ang motibo sa krimen.
Ayon sa mga kaanak, wala silang alam na kaaway ang mga biktima.
Isinantabi na ng pulisya ang motibong robbery dahil walang nawala sa mga gamit ng mga biktima at wala ring indikasyon na pumasok pa ang mga salarin sa bahay.
Samantala, sugatan ang naman ang isang driver at isang pasahero ng isang kotseng bumaliktad sa Andaya Highway, Barangay Comadaycaday, Del Gallego, Camarines Sur pasado ala-sais ng umaga nitong Sabado.
Ayon sa Del Gallego Municipal Police Station, patungo sana sa Bicol ang kotse nang mawalan ng control sa manibela ang driver nito.
Mabilis raw ang takbo nito sa pakurbang bahagi ng highway dahilan upang ilang beses itong gumulong hanggang sa bumaliktad.
Kaagad naman na na-rescue ang mga sakay ng kotse at naisugod sa pagamutan sa Tagkawayan, Quezon.
Wala namang ibang nadamay sa aksidente. Ligtas na ang driver at ang pasahero.