Hindi naman kaila sa lahat na talagang hindi na sariwa ang hangin na nalalanghap ng sambayanan lalong lalo na sa mga siyudad dahil na rin sa dami ng tao, sasakyan at basurang nagkakalat pa rin.
Hindi na nga conducive ang hangin sa Kamaynilaan, hindi gaya sa mga probinsya na kahit paano ay sariwang hangin pa rin ang umiihip.
Ang nakakabahala ngayon, lumitaw umano sa isang pag-aaral na kasama na sa hangin ng Metro Manila ang microplastics na maaaring malanghap ng tao at ang mga lungsod na mayroon umanong pinakamataas na antas ng microplastics sa hangin ay ang Mandaluyong at Muntinlupa.
Ang pag-aaral ay isinagawa ng mga mag-aaral mula sa Mindanao State University-Iligan Institute of Technology, na pinamunuan ni Rodolfo Romarate II at ginabayan ni Dr. Hernando Bacosa, PhD.
Kumuha ng sampling ang grupo mula sa 17 LGUs ng Metro Manila noong December 16 hanggang 31, 2021.
Nakakolekta sila ng 864 cubic meters ng hangin sa bawat LGU sa loob ng 12 oras sa bawat araw. Dito, nakita na may 155 suspended atmospheric microplastics (SAMPs) mula sa lahat ng 17 sampling stations sa Metro Manila.
Lumitaw umano sa pag-aaral na may 19 microplastic particles per 864 cubic meters of air ang Mandaluyong at Muntinlupa, na may pinakamataas ng concentration ng microplastic particles.
Ang Malabon naman ang may pinakamababang antas ng pagkakaipon ng microplastic sa 1 particle of SAMPs per 840 cubic meters.
Ayon pa sa pag-aaral, “fibrous microplastic” ang nangunguna sa bilang ng SAMPs, na umaabot ng 88% sa nalikom na sample.
Ang iba pang uri ng micro plastics na nakita sa hangin ng Metro Manila ay kinabibilangan ng PET plastic na kadalasang ginagamit sa water bottles, Polystyrene o styrofoam, PVC material, at polypropylene na ginagamit sa plastic packaging.
Hindi na biro na pati ang hangin na ating nalalanghap ay mayroon na ring taglay na mga particles na talagang makakapinsala sa kalusugan, kaya mas kailangan pa ngayon ng ibayong pag-iingat.