Iniulat ng ilang may-ari ng mga poultry farms sa Ibaan, Batangas na may ilang mga manok nila ang mga namatay na dahil sa matinding init ng panahon nitong mga nakaraang araw.
Ayon sa isang may-ari ng poultry, namatayan na siya ng pitong manok noong nakaraang linggo dahil hindi na mapigil ang sobrang init ng panahon.
“Nagsabay-sabay, tapos ‘yung the rest naman nagpunta sila doon sa medyo malamig. ‘Yung lugar na kanilang pinagkamatayan, napakatindi ng sikat ng araw,” saad ng may-ari.
Dadgag pa nito, titigil muna ito sa pag-aalaga ng mga manok kapag naibenta na niya ang mga natitira pa, dahil sa pangamba ng mga posibleng epekto ng El Niño.
Kung matatandaan, Itinaas na ng PAGASA ang El Niño Alert sa bansa noong Martes.
“Usually magkakaroon ng below normal weather condition, madalang ang pag-ulan kaya maaapektuhan din sila,” sabi ni Michael Mangubat, chief meteorological officer ng PAGASA Batangas.
Sinabi ng isang agriculturist na nakatutulong ang pagbibigay ng electrolytes at bitamina sa mga alagang manok kapag mainit ang panahon.
Samantala, arestado sa magkakahiwalay na operasyon sa Metro Manila ang lima umanong ilegal na nagbebenta ng hayop.
Sa isang ulat, nasagip ang ilang uri ng hayop kabilang ang isang umano’y pinapapatay para gawing gamot.
Sa Quezon City, unang nadakip ang isang lalaking nagbebenta ng parakeet o loro. Nagkakahalaga ito mula P10,000 hanggang P15,000 kung ibebenta ng mga online seller.
Nahuli rin ang isang lalaki sa Cainta, Rizal sa pagbebenta naman ng ball python. Talamak daw ang pagbebenta nito online dahil malaki ang tubo.
“Yung atin pong mga online traders, bibilhin po ng mura yung mga wildlife species tapos ibebenta po nila ng mas mahal,” saad ni PNP Maritime Group Northern NCR chief Police Major Robert Guttierez.
Sa entrapment operation naman sa Makati City, huli ang nagbebenta ng gecko o tuko.
Depensa ng suspek, napag-utusan lang siya.
“Pinaniniwalaan nung mga Chinese na nakakagamot ng kung ano-anong lung disease, impotence atsaka po asthma. Bawal ho ‘yun sir at kailangan po nila sir talaga na kumuha ng permit upang mag-alaga rin,” sabi ni Guttierez.