Binaha ang bayan ng Silago sa Southern Leyte dahil umano sa pag-ulang dulot ng low pressure area at sinalanta ng baha ang barangay auditorium o gym at mga bahay sa Barangay Tubaon.
Apektado rin ang Barangay Poblacion Uno at Barangay Laguma, kung saan pinalikas sa ligtas na lugar ang mga residente doon.
Sa isang panayam, sinabi ni Alfie Almine, pinuno ng Silago Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, na nakaranas sila ng 2 oras na pag-ulan, ngunit mabilis naman na humupa ang baha.
“Inilikas po namin, lalo na po yung mga vulnerable families na malapit sa ilog, yung may mga matatanda at mga bata, yun yung inuna talaga namin,” saad ni Almine.
Nakauwi na rin sa kani-kanilang mga bahay ang mga inilikas na residente, at ngayong Biyernes ay maganda ang panahon sa lugar.
Samantala, nasawi naman ang dalawang alagang baka matapos mabagsakan ng mga nabuwal na puno dahil sa pananalasa ng buhawi sa Datu Blah Sinsuat sa Maguindanao del Norte.
Sinabing nasira rin ang ilang bahay at mga bangkang de motor nang mabagsakan ng mga puno.
Wala namang napaulat na nasaktan sa insidente. Nagpaabot na ng tulong ang lokal na pamahalaan sa mga apektadong residente.