Iniulat ng mga otoridad nitong Biyernes na isang apat na taong gulang na batang lalaki ang nasagasaan ng isang bus sa Commonwealth Avenue sa Fairview, Quezon City kahit pa nasa gilid na ng sidewalk ang biktima.
Ayon sa pulisya, nasa sidewalk ang batang lalaki nang biglang mahagip ng pampasaherong bus at matapos mahagip ang bata, sinalpok pa ito ng isang SUV.
Bukod sa paslit, nahagip din ang isang estudyante na nasa sidewalk din. Nagtamo siya ng sugat.
Giit ng driver, nasira umano ang preno ng bus.
“Ayon dun sa MMDA towing services, malakas naman ang preno at walang deperensya ang bus. Yun nga, human error talaga,” ayon kay QCPD Traffic Sector 5 officer-in-charge Hermogenes Portes Jr.
“Pagkakamali ng driver talaga, neglect on his part. Walang diligence on his part masyado. Una niyang tinamaan yung 12 inches na gutter sa tulay. Then nag-bounce yung gulong, then tuloy sa biktima. Na hit nya… and then nasagasaan na ho ang gulong,” sabi pa ni Portes.
Patuloy ang imbestigasyon ng Quezon City Traffic Sector sa iba pang mga detalye sa insidente.
Isinugod naman sa pagamutan ang mag-aaral na nahagip ng bus.
Nahaharap ang driver sa mga kasong reckless imprudence resulting to damage of properties with physical injuries resulting to homicide.
Samantala, nasawi ang isang lalaking naglalakad at may kausap sa cellphone matapos siyang pagbabarilin sa Quiapo, Maynila.
Sa kuha ng isang CCTV makikitang naglalakad ang 42-anyos na biktima nang bigla siyang pagbabarilin ng isang lalaki sa likod.
Tumakas ang salarin, habang patuloy na inaalam ng pulisya ang motibo sa pamamaslang.