Inihayag ng mga otoridad nitong Miyerkules na isang motorcycle rider ang dead-on-the-spot habang sugatan naman ang kanyang sakay matapos nitong salpukin ang isang jeep na nawalan umano ng preno sa Antipolo, Rizal.
Sa ulat ng pulisya, makikita umano sa CCTV na binabaybay ng motorsiklo at mga sasakyan ang Marcos Highway patungong Cabading nang biglang banggain ang mga ito ng isang pampasaherong jeep mula sa kabilang lane.
Sa lakas ng pagkakabangga, tumagilid ang naturang jeep at tumilapon ang sumalpok na rider ng motor na agad nitong ikinasawi. Isinugod naman sa ospital ang kanyang angkas at isa pang biker na nasugatan sa aksidente.
Samantala, wasak ang harapan ng isa pang SUV na kasunod ng motorsiklo.
Paliwanag ng driver, nawalan umano siya ng kontrol sa minamanehong jeep at nang kinabig niya ito pakaliwa sa bakanteng lote, tinamaan niya ang mga kasabayan na motor at sasakyan.
Mahaharap ang suspek sa mga kasong reckless imprudence resulting in homicide at damage to property.
Samantala, arestado naman ang isang lalaking umano’y nakiki-fiesta sa Quezon City matapos makuhanan ng hindi lisensyadong baril.
Sinabi ng mga otoridad na hindi na nakapalag pa ang suspek nang arestuhin ng mga pulis sa Barangay Unang Sigaw ng lungsod.
Ayon sa ulat, nagsasagawa ng anti-criminality operation ang mga pulis sa lugar dahil piyesta doon at maraming nag-iinuman.
“Nilapitan ng isang tao ko yung mga nag-iinuman dahil nakitang may bumubukol sa tagiliran ng isa sa mga nan doon. Na sense siguro niya na papalapit ang mga pulis sa kanya, kaya tumakbo siya. Nasukol ang suspek sa isang eskinita,” saad ni Police Lt. Col. Mark Ballesteros, Talipapa Police Station commander.
Nakuha mula sa suspek ang isang baril na kargado ang tatlong bala.
Ayon sa mga pulis, ito na ang ikatlong beses na makukulong ang suspek.
Mahaharap ang suspek sa reklamong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, ayon sa ulat.