Nakauwi na sa bansa nitong Miyerkules ng hapon ang ikalawang batch ng mga Filipino Islamic students na naipit sa giyera sa Sudan at nasa 19 ang mga estudyanteng dumating mag-a-ala una ng hapon sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1.
Kasama ng mga estudyante ang mag-asawang overseas Filipino workers at tatlong anak nito at isa pang OFW.
Tumanggi nang magbigay ng pahayag ang pamilya ng OFW. May trauma pa umano ang mga ito, lalo na ang mga bata.
Ang mga estudyante naman, labis ang pasasalamat at nakauwi na sila ng bansa at ayon sa presidente ng mga Pilipinong estudyante na nag-aaral sa Sudan na si Norhad Ananaid Langiles, apat na araw bago sila nakalikas mula sa Khartoum.
Sa unang araw ng bakbakan hindi raw nila alam na may nangyayaring gulo sa kanilang lugar.
Nang magtuloy tuloy ang bakbakan, dito na siya nagdesisyon na pumunta na ng International University of Africa kung saan sila nag-aaral para pag-usapan ang paglikas ng Khartoum.
Nag-arkila sila ng bus para makarating sa isa sa mga border kung saan sila sinundo papunta ng Cairo, Egypt.
“First day talaga first bomb alas otso y medya ng umaga ramdan yun nagpa-fasting kami tapos yun narinig ko malakas na putok tapos sunod sunod na ang malilit malalaki halos putukan na talaga hindi namin alam kung ano tapos yun hanggang pagkagabi ah hindi pa rin tumigil ang putukan apat na araw as a president nagdesisyon an ako na lahat ng estudyante walang lalabas ng bahay,” sabi ni Langiles.
Nasa 117 silang mga estudyante, ayon kay Langiles.
Martes ng gabi naman nang dumating ang unang batch ng mga Islamic students mula sa Sudan. Nasa 31 ang mga ito.
Nasa 750 ang registered Filipinos sa Sudan ayon sa Department of Foreign Affairs. Nasa 488 sa kanila ang nasa Egypt na, habang 19 naman ang nasa Port Sudan.
May 38 na nasa Khartoum at nagpahayag na nang kagustuhan na bumiyahe papuntang Port Sudan.