Hindi pa man nakakalimutan ng publiko ang nangyaring aberya sa Ninoy Aquino International Airport noong nakaraang Enero ngayong taon kung saan libong pasahero ang naapektuhan nang mawalan ng kuryente ang paliparan.
Pero nitong Lunes, nakaranas na naman ng panibagong power outage sa NAIA, at sa Terminal 3 naman nangyari ang pagkawala ng kuryente kaya naman libong pasahero uli ang nastranded sa paliparan.
At dahil sa sobrang tagal bago naibalik sa normal ang operasyon sa Terminal 3, nagulat ang ilang mga tauhan ng ilang bus company sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) ang biglaang pagdagsa ng mga pasahero nitong umaga ng Lunes.
“’Yong iba may mga dalang maleta, galing daw sila ng airport. Cancelled daw po ‘yong flight nila. Mas pinili rito, wala na silang choice na masakyan,” saad ng isang personnel sa PITX.
Ayon naman sa isa pang dispatcher, ang isang bus na hawak niya’y agad napuno nitong umaga ng Lunes at halos kalahati ng sakay ay patungong Bicol na dapat sana’y galing NAIA.
“’Di namin ine-expect na dadami pasahero kanina. Ang alam namin galing Bicol lang talaga ‘yong madami pasahero. Late lang daw sila na-inform doon sa airport,” sabi nito.
Sa datos ng PITX, biglang pumalo sa higit 2,000 ang pasahero sa terminal nitong alas-5 ng madaling araw, mula 700 pasahero isang oras bago nito.
Siyempre, hindi pinalampas ng ilang mga senador ang panibagong aberya sa NAIA at ayon kay Senador Grace Poe, mukhang hindi na talaga natuto ang Department of Transportation at ang NAIA sa nangyari noong Enero.
“The incident shows another disruptive failure of the airport systems causing grave inconvenience to travelers,” saad ni Poe sa isang pahayag. “It is not acceptable that whenever there’s a brownout, the whole airport’s system and travel would be disrupted.”
“It seems like the DoTr and NAIA did not learn from its previous mistakes,” dagdag niya.
Sana nga ay mahanap na ng DoTr at ng NAIA ang tunay na dahilan kung bakit nagkaroon ng power outage dahil kung hindi, maaaring maulit na naman ang mga ganitong klaseng insidente.
Nakakahiya na sa mga pasahero at mga dumarating sa bansa na sa airport pa lang ay sira na agad ang araw.