Ilang residente ng Pajo Street sa Barangay Quirino 2-A sa Quezon City ang pumalag matapos mag-viral ang isang foreign documentary na isinalarawan ang kanilang lugar bilang talamak sa krimen at kontrolado ng isang notoryus na criminal group.
Ang itinuturo sa dokumentaryo na kilabot na lider ng Batangas City Jail Gang ay si alyas “Jojo,” na kilala naman ng mga residente bilang mabuting ama at ayon sa mga ito ay ang trabaho niya ang mangalakal ng basura at magtinda ng mami.
Ayon naman kay “Jojo,” binigyan lang siya ng instruction ng producer na umarte bilang gang leader kapalit ng P500 at groceries, pero hindi natupad ang usapan at P200 lang ang naiabot sa kaniya at kaniyang mga kasamahan.
Nangako din umano ang kausap na producer na hindi ipapakita ang mukha niya, kaya laking gulat ni “Jojo” nang mapanood ang sairli sa social media.
“Walang katotohanan ‘yong sa video… natakot ‘yong pamilya ko. Napahamak ang mga tao na kasama ko, walang kaalam-alam,” saad ni “Jojo.”
Pinabulaanan din ni Quezon City Police District Director Brig. Gen. Nicolas Torre III ang video.
“This is a very peaceful community. Tapos itong Pajo [Street], dulo niyan is likod ng kampo namin,” sabi ni Torre.
Iginiit naman ng barangay chairperson na si Noel Agdeppa na kinilala pa ang lugar bilang drug-free zone noong 2019 at nakatanggap din ng peace and order award.
“Wala gang dito sa amin. Kung may gang, hindi namin papayagan mangyari dahil alam namin wala maidudulot,” saad ni Agdeppa.
Nakikiusap ang mga residente sa publiko na huwag nang i-share ang dokyu sa social media dahil maraming buhay ang posibleng maapektuhan.