Nakaranas na naman ng power outage ang Ninoy Aquino International Airport at ngayon naman ay Terminal 3 naman nawalan ng kuryente Lunes ng umaga dahil umano sa tinatawag na power fluctuation.
Dahil dito, may mga nakansela at naantalang biyahe ng ilang eroplano sa Terminal 3 at libong pasahero ang nastranded sa paliparan.
Ayon kay Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) spokesperson Eric Apolonio, iniulat ng Manila International Airport Authority (MIAA) na nagkaroon ng power fluctuation dakong 1:05 a.m.
Naibalik naman umano ang kuryente dakong 8:46 a.m. base sa pahayag ni MIAA General Manager Cesar Chong.
Nauna nang inanunsyo ng NAIA na asahan umano ang pagkakaantala ng ilang flights dahil standby power lamang ang ginagamit para magsuplay ng kuryente sa lugar.
“Standby power is now supplying electricity to critical facilities enabling computer systems of airlines and Immigration to function partially and enable processing of both inbound and outbound passengers,” paliwanag ng NAIA.
“As a result, delayed flights shall be expected,” dagdag nito.
Sa Facebook post, sinabi ng NAIA na 46 domestic flights ng Cebu Pacific ang nakansela dahil sa nangyaring aberya.
Sinabi ng NAIA na inaalam na ng engineering team mula sa MIAA at technical personnel mula sa Meralco ang dahilan ng power failure.
Ayon naman kay Meralco spokesperson Joe Zaldarriaga, walang naging problema sa kanilang bahagi bilang electric power distributor.
“Initial indications point out na, as far as Meralco is concerned, doon sa mismong area kung nasaan nandoon ang Terminal 3, wala naman kaming problema,” saad ni Zaldarriaga. “Yung tinitingnan lang namin ngayon ano ba ang nag-cause dito.”
Humingi naman ng paumanhin ang MIAA sa mga naperwisyong pasahero sa panibagong aberya na nangyari sa paliparan.
Inihayag naman ng CAAP na inaasahan ang recovery flights para sa mga pasahero na naapektuhan ng aberya.
Sa inilabas na abiso ng MIAA, sinabi ng CAAP na tanging domestic flights lang ang naapektuhan ng power outage at hindi nadamay ang mga international flight.