Malaki ang pasasalamat ng aktres at singer na si Maris Racal dahil nagkaroon siya ng malaking break matapos ma-showcase ang kanyang galing sa pag-arte sa ibang bansa.
Nasa Italy ang dalaga ngayon upang daluhan ang prestihiyosong Udine Far East Film Festival at maging representative ng pinagbidahang pelikula na may titulong “Where Is The Lie?”
Ayon kay Maris, talagang bagong milestone ito para sa kanya at sinabi pang hindi siya makapaniwala sa narating ng kanyang comedy-thriller film.
Sa kanyang IG, inihayag niya ang kanyang pasasalamat sa naging premiere ng pelikula.
“Still can’t believe this happened. “I am deeply touched by the love and appreciation we received after the premiere of ‘Where is the Lie?’” saad ng dalaga sa caption.
Kung matatandaan, noong April 26 ay excited na ibinalita ni Maris na siya ay magpupunta ng Italya para sa nasabing event.
At noong April 29 nga ay ibinandera nga ng young actress ang ilang litrato nang makarating sa nabanggit na bansa.
“Just arrived [Italy flag emoji],” sabi ni Maris.
Makikita pa sa mga litrato na kasama niya si EJ Jallorina, ang isa pang artista na tampok sa pelikula.
Para sa kaalaman ng marami, ang “Where Is The Lie?” ay isang comedy-thriller inspired film na tungkol sa mga scam at panganib na dulot ng isang website.
Bukod sa “Where Is The Lie?,” kasali rin sa festival ang pelikula na pinagbibidahan ni Nadine Lustre, ang “Deleter” at ang “In My Mother’s Skin” na tampok naman si Kenneth Dagatan.