Nitong nakaraan lamang ay may naiulat na may apat na overseas Filipino workers ang nasawi sa isang sunog sa food factory sa Taiwan at talagang nagdulot ito ng matinding pighati sa mga kaanak ng mga namatay.
Ang isa sa mga nasawi na si Aroma Miranda, na tubong Tarlac City ay itinuturing pang breadwinner ng pamilya.
Ayon sa mga kapatid ng 29-anyos na si Aroma, hirap silang tanggapin ang nangyari sa kanilang mahal sa buhay.
Batay sa natanggap na impormasyon ni Almario, kapatid ni Aroma, sa cold storage umano nakita ang katawan ng kaniyang kapatid.
Wala naman umanong nakita malalang sugat kay Aroma kaya hinihinalang suffocation ang dahilan ng kaniyang pagkamatay.
Bago ang trahediya, nakausap pa raw ng pamilya si Aroma at masaya umano ito. Napag-alaman na anim na taon nang nagtatrabaho si Aroma sa Taiwan bilang factory worker.
Nanawagan ng tulong ang pamilya Miranda sa pamahalaan para maiuwi na sa Pilipinas ang kaniyang mga labi.
Nangako naman sa pamilya ang Overseas Workers Welfare Administration-Region-3, na nakikipag- uganayan na sa mga awtoridad sa Taiwan.
“We are on close coordination with the Taiwanese authority para ma-repatriate na agad yung remains. Kaso dahil accidentally major ang cause of death, siyempre may mga investigation pang involved,” paliwanag ni Mayoilito David, OIC, Programa and Services Department OWWA-3.
Batay sa inilabas na impormasyon mula sa Manila Economic and Cultural Office (MECO), nasawi rin sa naturang trahediya sa nasunog na pabrika sina Renato Larua, mula sa Cavite; Nancy Revilla, mula sa Marinduque; at si Maricris Fernando, mula naman sa La Union.
Nawa’y magawan ng pamahalaan na matulungan ang mga pamilya ng mga nasawing OFW dahil talagang kakailanganin nila ito.