Inihayag ng Department of Foreign Affairs nitong Linggo na nabigyan na umano ng entry visa papasok ng Egypt ang 340 overseas Filipino worker (OFW) na lumikas mula sa gulo sa Sudan.
Kung matatandaan, sinundo umano ng mga kinatawan mula Department of Foreign Affairs (DFA) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang mga OFW noong Sabado matapos nilang lumikas dahil sa giyera sa Khartoum, ang kabisera ng Sudan.
Dadalhin sa Cairo, Egypt ang mga lumikas na Filipino upang doon hintayin ang kanilang mga ticket pabalik ng Pilipinas.
“They were finally issued visas and clearances to enter Egypt… From the border, the 340 are now on their way to Cairo (Egypt) where they will be billeted in hotels and then to be flown to Manila within the week through DFA funding,” saad ni Foreign Affairs Assistant Secretary Paul Raymund Cortes.
Sa tala ng DFA, 625 Pinoy na ang nakalabas ng Khartoum, habang 414 na ang nakapasok sa Egypt.
Mayroon din umanong 46 OFWs sa Port Sudan, kung saan 16 sa kanila’y nakatawid na sa Jeddah, Saudi Arabia.
May pitong OFW ding isinama umano ng kanilang mga employer pa-Saudi Arabia at Malaysia.
Ayon kay Migrant Workers Secretary Susan Ople, ang mga bansang Egypt, Saudi Arabia at Greece ang pinagdadalhan ng mga OFW na lumilikas mula Sudan.
Para sa mga uuwing OFW mula Sudan, bibigyan sila ng P20,000 financial assistance ng Department of Migrant Workers at sasailalim ng psychosocial counseling, stress debriefing at medical referral.
Kung wala namang magiging aberya, may 40 OFWs mula Cairo, Egypt ang makakabalik ng Pilipinas sa Mayo 2, ayon sa DFA.