Inaresto ng mga otoridad ang isang construction worker sa IBP Road sa Quezon City para sa kasong attempted murder matapos barilin umano sa paa ang kanyang nakaalitan noong Nobyembre.
Ayon sa mga ulat, inamin ng suspek na kinilala lamang bilang si Max na talagang binaril niya ang biktima pero ang nais lamang niya ay takutin ito at hindi patayin.
Sinabing hinuli ng mga pulis ang suspek sa bisa ng isang arrest warrant at ayon sa mga ito ay binaril umano sa paa ng suspek ang kanayang nakaalitan noong Nobyembre 2022.
Nagsampa ng reklamo ang 23-anyos na biktima na kakilala ng suspek.
Ayon sa suspek, hindi niya alam na may arrest warrant sa kanya, at nagtataka siya kung bakit may kaso siya gayung nagkasundo na sila ng biktima.
“Aminado ako sa krimen. Yung biktima kasi magulo yun, sikat na magnanakaw sa lugar namin. Ninakaw niya ang scaffolding ng tinitirhan ko, at pati ang kapitbahay naming tindahan kinuhanan niya ng pagkain. E, ako yung kargo sa mga gamit ng tinitirhan ko. Kaya, binaril ko siya sa paa, pinilayan ko para madala,” ayon sa suspek.
Wala pang pahayag ang biktima sa alegasyon ng suspek.
Samantala, ipinaalala ng lokal na pamahalaan ng Mangaldan, Pangasinan na libre at hindi dapat magbayad ng parking fee ang mga motorista kapag nasa pampublikong lugar gaya ng plaza.
May mga nagrereklamo na kasi sa social media kaugnay ng lalaking nanggugulo at naniningil umano ng parking fee sa plaza ng Mangaldan.
Nagkomento naman sa naturang post ang iba pang motorista na nabiktima umano ng mga naniningil ng parking fee sa mga pampublikong lugar.
Nakarating sa tanggapan ng alkalde ang naturang reklamo kaya inatasan nito ang Public Order and Safety Office (POSO) at pulisya na tugunan ang problema.
Ayon sa POSO, isang lalaki ang nahuli sa akto na naniningil ng parking fee. Pinagsabihan ito at binigyan ng babala na tutuluyan nang kasuhan kapag nahuli ulit.
Paalala ng POSO, walang parking fee sa mga public parking area maliban na lang sa mga pribadong paradahan.