Inamin ng singer na si Gigi de Lana na magpapahinga muna siya sa pagkanta makaraang ma-diagnose na may “nodules” o maliliit na bukol sa kanyang lalamunan at ayon sa dalaga ay dalawang buwan siyang titigil sa pagkanta.
“So please pray for me and now magre-rest ako for two months, and ito ‘yung gig na talagang pinagbigyan namin,” saad ni Gigi sa isang pahayag.
Ipinaliwanag rin na hindi pa malala ang na-diagnose sa kanya kaya aagapan na ito sa gamot at pahinga.
“Mayroon po akong nodules, pero pre-nodules pa lang po ‘yun parang pa-ano pa lang… so kailangan ko siyang ipahinga para hindi siya lumalala,” sabi ni Gigi. “Rest, medicine, kung ano man ang prescribed ng doctor or baka steroids, I don’t know mga ganun po siguro.”
Inamin din ni Gigi na mahirap para sa kanya ang huminto sa pagkanta, lalo na’t ito ang naging kabuhayan niya.
“’Yung naisip ko na if ever na mayroon talaga akong nodules ‘yung pagka-check up sa akin kailangan mong operahan ‘yung thought na hindi ka makaka-kanta, it’s hard. Kumakanta ako since bata ako since I was five and nag-start ako mag work ng 5 to 10 sa mga contest ganyan. Tutulong ka sa magulang mo kung ano ang napanalunan mo, ‘yun ang ibabayad sa tuition mo ganyan,” sabi pa niya.
Kahit na pansamantalang mawawala sa pagtatanghal si Gigi ay tiniyak naman niya sa kanyang fans na magkakaroon ng pasabog sa kanyang pagbabalik sa Hunyo.