Inihayag ng aktres na si Ellen Adarna na hindi aampunin ng asawa niyang si Derek Ramsay ang anak niyang si Elias Modesto Cruz, ang anak ng aktres sa aktor na si John Lloyd Cruz na malapit nang magtatlong taong gulang.
Ayon sa aktres, present naman umano si John Lloyd kaya hindi na aabot sa ampunan ang custody para kay Elias.
Nabanggit na devoted father si Lloydie sa anak na si Elias at hindi ito nagkukulang in terms of suporta kaya walang dahilan para palitan ang surname nitong Cruz.
Ikinuwento rin ni Ellen na hindi lang visitation rights ang mayroon si John Lloyd sa anak nilang si Elias.
“He gets Elias (and) spent time with the Cruz family. He gets schedule and (have) twelve days a month and ‘yun na ‘yun,” saad ni Ellen at dagdag niya, noong kakahiwalay nila ni JLC ay pinayuhan siya ng kanyang pamilya na, “your son also needs his father as much as he needs you. So, ganu’n lang.”
Kaya kahit gaano ka-close sina Derek at Elias base sa mga larawang pino-post ni Ellen lalo na kapag nasa ibang bansa sila ay alam ng una na siya ang daddy at si Lloydie ang papa ng bata.
Inamin din ni Ellen na sa Hunyo niya ipatatanggal ang IUD o intrauterine device para makabuo na sila ni Derek ng anak.
“Dragon baby kaya kailangang manganak ako after February 10 para year of the Dragon, so, naka-schedule ‘yan,” sabi ni Ellen.
Samantala, ipinaliwanag din ni Ellen na kapag nagkaroon na sila ng anak ni Derek by 2024 ay bibilang ng pitong taon bago siya maging aktibo sa showbiz dahil gusto niyang personal na alagaan ang anak tulad ng ginagawa niya sa panganay niyang si Elias Modesto.
Kaya hindi siya tumatanggap ngayon ng TV series dahil gusto niyang matutukan muna ang anak.