Inihayag ni Department of Migrant Workers Secretary Susan Ople na nagpapatupad umano nang mahigpit na border control ang pamahalaan ng Egypt sa mga Pinoy na lumilikas mula sa Sudan na may nagaganap na kaguluhan.
Ayon kay Ople, hindi madali ang sitwasyon at hinikayat niya ang mga kababayan na “magbayanihan” at dagdag niya, nagdudulot ng problema sa mga lumilikas na Pinoy mula sa Sudan ang mahigpit na pagproseso ng Egypt sa visa upang payagan silang makatawid.
“Ang puwede lang tumawid ng Sudan side, ‘yung may visa. So kahit ako na diplomatic passport holder, hanggang Egyptian side lang ako. Ang meron lang Sudanese visa and diplomatic passport holder, si Ambassador at si Vice Consul kaya sila lang ngayon ang nakatawid,” paliwanag ni Ople.
“Siguro sa dami ng nais tumawid, hindi lang mga Pilipino, nagkakagulo na rin sila. ‘Yung border control, mas mahigpit na ngayon. Bukod do’n sa wala kang passport… ‘yung security pass para makatawid from Sudan side to Egypt and onward to Aswan, doon nagkakaron ngayon ng embudo,” dadgag niya.
Una nang sinabi ni Foreign Affairs Undersecretary for Migrant Workers Eduardo de Vega, na tinatayang nasa 700 Filipinos ang nasa Sudan at karamihan ay undocumented. Ang ibang lumilikas, walang pasaporte o paso na ang pasaporte.
Tinatayang nasa 400 Filipinos na ang nailikas mula sa Sudan, ayon sa DFA.
Nitong Miyerkules, iniulat ang hinaing ng ilang Pinoy na nakaalis ng Khartoum, Sudan, pero naipit sila sa border ng Alqin, Egypt dahil walang kawani ng embahada ng Pilipinas ang sumalubong o umalalay sa kanila.
Nagutom at napilitan umano ang mga lumikas na Pinoy na matulog sa gilid ng kalsada matapos ang tatlong araw na biyahe by land sakay ng bus.
Umapela naman si Ople sa apektadong Pinoy, at sinabing hindi madali ang sitwasyon.
“Hindi ito madali. Hindi sa ayaw namin tumulong. Kung puwede lang nand’on na kami sa Sudan side, maski kahapon dumiretso na ‘ko do’n. It’s really ‘yung limitations ng sitwasyon,” paliwanag niya.