Isang sanggol ang naiulat na nasagip matapos abandunahin at iwanan sa pagitan ng mga nitso sa isang sementeryo at kaya nadiskubre ang sanggol ay dahil umano sa lakas ng iyak nito.
Ayon sa mga otoridad, natunton na rin ang mga magulang ng bata at base sa mga CCTV, makikita ang pagmamadali ng mga tao na hanapin ang pinagmumulan ng iyak sa sementeryo sa bayan ng Cataingan.
Hanggang sa makita na nila ang isang sako na kinalalagyan ng sanggol. Kaagad din nilang ipinaalam sa mga awtoridad ang pagkakatuklas sa bata.
“Dinala namin ‘yong bata sa Rural Health Unit for proper vaccination. And then, chineck-up na rin ng doctor, binigyan ng reseta para sa milk feeding and other needs ng bata,” ayon kay Eden Lalaguna ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) Cataingan local government unit.
Natukoy naman ng pulisya ang mga magulang ng sanggol sa Barangay Bagumbayan sa parehong bayan.
Aminado umano ang ina ng sanggol na sinadya nilang itinapon ang anak.
“Meron kasing hidden story about the baby. According sa husband, gusto niyang akuin ‘yong responsibilidad over the baby. ‘Yong mother ang ayaw talaga. So, ang mother ang meron depression o talagang decided na ayaw niyang makita ‘yong baby,” ayon kay Lalaguna.
Nasa mabuting kalagayan na ang sanggol na pinangalanang “Blessy” at inaalagaan ng tumatayong foster parent nito.
Patuloy ang imbestigasyon ng MSWDO sa insidente, at hindi nila inaalis ang posibilidad na sampahan ng kaso ang nag-abandona sa sanggol.
Samantala, nasabat naman ng mga awtoridad ang mahigit P8 milyong halaga ng umano’y shabu sa buy-bust operation sa Maynila, at naaresto ang suspek.
Isinagawa ang operasyon sa Santa Cruz, Maynila at nakuha sa suspek ang mahigit isang kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng mahigit P8 milyon.