Halos nasa 20 hanggang 30 na kabahayan ang natupok nang sumiklab ang isang malaking sunog sa isang residential area sa Barangay 22-A sa Cavite City ngayong Miyerkoles ng hapon, sabi ng lokal na pamahalaan.
Ayon kay Cavite City Mayor Denver Chua, wala pa umanong naiulat na nasaktan sa sunog na umabot ng ikatlong alarma at dahil umano sa lakas ng hangin ay nahirapan ang mga bumbero na makontrol ang apoy.
Gawa rin sa umano light materials at dikit-dikit ang mga bahay kaya mabilis na kumalat ang sunog.
“Dumating ang helicopter ng Air Force para tulungan tayo na buhusan ang mga nasusunog na bahay,” sabi ni Chua sa isang post sa Facebook.
Dagdag ng alkalde, nagkagulo ang mga residente na apektado ng sunog.
“Medyo chaotic ang ating sitwasyon dito, as of the moment ‘yung fire naman is nakokontrol na,” sabi ni Chua.
Nasa 15 pamilyang nasunugan ang tumuloy pansamantala sa Ladislao Diwa Elementary School, dagdag ni Chua. Mayroon din umanong mga pamilya ang nasa St. Peregrine Chapel sa Sta. Cruz.
Sabi ni Chua, nakahanda ang City Social Welfare and Development Office para sa pangangailangan ng mga nasunugan.
Inaalam pa kung ano ang dahilan ng sunog.
Samantala, siyam na malalaking pamilya ang nawalan ng bahay makaraang sumiklab ang sunog sa Barangay East Rembo sa Makati City ayon sa mga otoridad, dikit-dikit ang mga bahay, at gawa pa sa light materials kaya mabilis na kumalat ang apoy.
Umabot ng ikalawang alarma ang sunog bago ito nakontrol ng Bureau of Fire Protection (BFP).
Natukoy na ng BFP kung saang bahay nagsimula ang apoy pero inaalam pa nila ang naging sanhi nito.
Wala namang nasaktan pero merong isang residente na kinailangan bigyan ng tulong medikal matapos itong mahimatay.
Umaabot ng siyam na bahay ang nasunog at tinatayang nasa P375,000 ang halaga ng pinsala.
Isa-isa nang sinusundo ng barangay officials ang mga naapektuhang residente para dalhin sa barangay hall, at doon muna mamalagi.