Kahit pa ipinatutupad na ang SIM registration sa bansa upang maiwasan na ang mai-scam ng mga masasamang loob, hindi pa rin natitigil ang mga ganitong klaseng gawain dahil marami pa ring natatanggap na reklamo kaugnay dito.
Dahil nga dumarami pa rin ang nabibiktima ng mga ganitong klaseng scams ay ilang bangko na ang nag-abiso sa kanilang account holders na huwag basta-basta i-click ang mga link na natatanggap sa mga nagpapakilalang bangko.
Maaari kasi umanong smishing ito, na isang uri ng fraud kung saan ginagamit ang pangalan ng mga kompanya tulad ng mga bangko para mahikayat ang isang tao na ibigay ang personal na impormasyon tulad ng mga password at account number.
Nagbabala na rin ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na posibleng tumaas ang bilang ng text scams tulad ng smishing matapos na palawigin ang SIM registration period.
“Unfortunately, with this announcement of the 90-day extension, expect text scams will increase again because we’ve given them a 90-day window to continue with their nefarious activities,” saad ni DICT Secretary Ivan John Uy.
Sa SIM Registration Act, maaaring i-extend ang deadline nang hanggang 120 days, pero para sa DICT ay sapat na ang 90 araw para mairehistro ang natitirang 20 milyon SIM cards.
Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas, hindi dapat pahabain ang extension ng SIM registration para masolusyonan ang text scams.
Nanindigan din ang DICT na wala nang ibibigay na kasunod na extension kaya dapat sumunod na ang mga subscriber para hindi maputulan ng serbisyo matapos ang 90 araw.
Kaya paalala pa rin sa ating mga kababayan, maging maingat at mabusisi sa mga nakikita sa social media at kahit sa mga natatanggap na mga text, dahil talagang gumagaling na ang mga scammers at nakakasabay na rin sila sa pagbabago ng mundo.