Dahil sa nangyayaring kaguluhan ngayon sa Sudan, hindi na umano nahintay ng ibang Filipino na nasa Sudan ang evacuation na gagawin sa kanila ng pamahalaan ng Pilipinas at sinamantala nila ang ilang araw na tigil-putukan ng magkalabang grupo at umarkila ng masasakyan upang makalayo sa kaguluhan.
May mga bansa na sinimulan nang ilikas mula sa Sudan ang kanilang mga kakababayan kasunod ng tumitinding bakbakan ng dalawang puwersa ng militar doon–ang Sudanese Armed Forces at Paramilitary Rapid Support Forces.
Iminungkahi naman ng ilang OFW sa Sudan sa Department of Foreign Affairs (DFA) na maaaring humanap ang ahensiya ng isang lugar na maaaring puntahan ng mga OFW upang doon maghintay ng gagawing paglikas sa kanila.
“Maghanap ng lugar na puwede kaming pag-ipon-ipunin. Para sa ganun mas madali po para sa inyo yung pag-rescue sa amin kung sakaling wala na kaming mga contact,” sabi ng ilang mga Pinoy.
Gayunman, sinabi ng OFW na nagrenta ng bus ang kanilang grupo na maghahatid sa kanila sa border ng Sudan at Egypt. Umaasa sila na walang magiging aberya sa kanilang biyahe at may delegado sana ng Philippine Embassy na maghihintay o maaari nilang lapitan sa lugar.
Kabilang sa mga bansa na sinimulan nang maglikas ng kanilang mga kababayan sa Sudan ang Saudi Arabia, Japan, South Korea at India.
Una rito, kinumpirma ng DFA na may tatlong Pinoy na nagtatrabaho sa Saudia Airlines, ang kasama sa mga nailikas ng Saudi Arabia paalis ng Sudan.
Pero apela ni DFA Undersecretary Jose de Vega sa Pinoy sa Sudan, hintayin ang abiso nila patungkol sa gagawing pagsundo sa kanila na sinasabing sisimulan ngayong Lunes.
“Hindi ka puwedeng umalis ng Sudan kapag wala kang papeles. ‘Yung iba wala silang valid passport,” ayon kay De Vega.
“Hindi ito para maiwan sila sa Egypt o lumipat ng bansa. Uuwi sila ng Pilipinas, handa ang pamahalaan ng Pilipinas na bigyan sila ng plane tickets,” dagdag niya.