Inihayag ng aktres na si Bea Binene na fake news lang ang kumakalat na alingasngas na naiingit umano siya sa aktres na si Barbie Forteza dahil sa success ng dalaga sa Kapuso series na “Maria Clara at Ibarra.”
Ayon kay Bea, wala siyang nararamdamang kahit katiting na inggit sa kanyang kaibigan at dating kasamahan sa bakuran ng GMA 7 at masaya siya sa nangyayari sa showbiz career ni Barbie pati na rin sa ka-loveteam nitong si David Licauco na talagang biglang sumikat nang bonggang-bongga nang dahil sa karakter niyang Fidel sa “MCAI”.
“Sobrang proud ako sa Maria Clara (at Ibarra) saka sa kanila ni David,” saad ni Bea at dagdag niya, solid pa rin ang friendship nila ni Barbie at may communication pa rin sila hanggang ngayon.
Kaya naman nakiusap siya sa mga netizens na huwag na silang gawan ng intriga.
“Hindi lang po talaga kami nakakalabas ulit kasi nga, sobrang mga naging busy. Sobrang tagal na po naming mga hindi nagkita. Pero ‘yun, consistent kapag may birthday, maggi-greet, ‘yung magla-like, babati, magko-comment sa Instagram and Facebook stories. Ganu’n po talaga. Saka hindi lang si Barbie, pati ‘yung mommy niya, si Tita Amy,” sabi ni Bea.
“Ako po, eversince, I didn’t look at it naman as something na competition. ‘Yun pong sa Tween Hearts, grupo naman kami doon, tapos after Tween Hearts, nagkaroon naman kami ng kanya-kanyang trabaho. Hindi po ako pinabayaan ng GMA. Kumbaga, ngayon kay Barbie, wala po akong nararamdaman na parang (inggit), wala po. I’m just really happy and I’m proud of her kasi ‘di ba, nagpapagawa na ng bahay si ate girl, ganyan, ‘di ba? Tapos sabi ko nga sa kanya, may picture siya ang ganda-ganda, ‘hugis-bigas’ sabi ko sa kanya. Sobrang proud ako sa kanya especially now with all the success of MCAI,” dagdag ni Bea.