Isang suspek sa pagnanakaw ang natimbog ng mga pulis dahil bumangga umano sa poste ang kanyang minamanehong motorsiklo sa Barangay Manresa, Quezon City habang umiiwas sa checkpoint.
Ayon sa ulat, nagsasagawa ng dragnet operation ang mga operatiba ng Quezon City Police District matapos may magreklamo na isang babaeng nahablutan ng sling bag sa kahabaan ng Banawe Street sa Barangay Lourdes.
Base sa imbestigasyon ng QCPD, nag-aabang ang biktima ng kanyang sundo sa tapat ng isang bangko nang agawin ng suspek na lulan ng motorsiklo ang kanyang gamit.
Narecover naman mula sa suspek ang sling bag na naglalaman ng cellphone at pera ng biktima.
Nakuha rin umano mula sa suspek ang isang baril at hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P 40,000.
Lumabas din sa imbestigasyon na hindi ito lang ang unang pagkakataon na nagnakaw umano ang suspek.
Noong April 1 nakunan sa dashcam ang paghablot ng riding-in-tandem sa cellphone ng isang babae sa Banawe Street.
Samantala, nasa higit 100 pamilya ang apektado sa sunog na sumiklab sa Barangay West Bicutan, Taguig City nitong umaga ng Lunes.
Ayon sa Bureau of Fire Protection, alas-6:26 ng umaga nang mag-umpisa ang sunog, na itinaas hanggang ikatlong alarma.
Aabot sa P1.5 milyong halaga ng ari-arian ang napinsala sa sunog, na tumama sa 80 bahay na gawa sa light materials.
Umabot sa halos 2 oras ang sunog na idineklarang under control bandang alas-8 ng umaga.
Wala namang naiulat na nasawi sa insidente at nagbigay na ng modular tents at relief goods ang lokal na pamahalaan ng Taguig sa mga apektadong residente.