Isang grupo ng magsasaka ang nagbabala nitong Lunes na maaari umanong bumaba ang supply ng bigas at mga gulay bunsod ng El Niño phenomenon.
Ayon kay Leonardo Montemayor ng Federation of Free Farmers, posibleng bumaba ang produksiyon ng mga ito dahil malaki ang pangangailangan nito sa tubig.
“Magde-depende ‘yan kung gaano katindi ang magiging El Niño. Kung masyadong severe at talagang dry na dry ang klima, kahit sa gulay ay magkakaroon ‘yan ng impact but if it is moderate or mild, hindi kasing lakas ang tama niyan,” saad ni Montemayor.
Dagdag niya, kasama sa dapat paghandaan ng DA ang posibleng pagpapalit ng mga itatanim na high-value crop.
“Kung mabibibigyan ng tamang advisory na tatama ang El Niño sa lugar na ito at ganito katindi, baka sa halip na magtanim ng palay, makapagtanim ng ibang pananim ang magsasaka,” sabi ni Montemayor.
“Kung magkakaroon ng shift to other plants, sana naka-ready [ang] planting materials, kung ito ay gulay or root crops in some cases, sana naka-ready para madali ang paglipat,” dagdag niya.
Ayon sa Bureau of Plant Industry (BPI), may negatibong epekto talaga ang climate change sa ani, hindi lang sa gulay kundi sa ibang pananim.
May mga hakbang naman na anilang ipinapatupad ang bureau upang mapaghandaan ng mga magsasaka ang El Niño.
“Tuluy-tuloy ang interventions para sa mga magsasaka, including irrigation to mitigate magiging effects nito. We’re also advising farmers sa cropping calendar, kung mayroon mang itatanim na water-sensitive, i defer na muna nila,” sabi ni BPI spokesperson Jose Diego Roxas.
Ayon sa Bureau of Plant Industry, matagal na ring dinedevelop ang mga climate smart na mga gulay o iyong mga puwedeng mabuhay kahit mainit ang panahon at kakaunti ang tubig.
Makatutulong umano ito para makapag-ani pa rin ang mga magsasaka kahit na may El Niño o ibang pagbabago sa klima.
Nagtutulong na rin umano ang iba-ibang institusyon sa paggamit ng teknolohiya para maisulong ang climate-smart varieties.
Mismong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. din ay binigyang-diin ang halaga ng supply ng tubig sa pagharap ng bansa sa El Niño.
Humahanap na ng paraan ang pamahalaan para hindi na maging dependent sa underground water at isa sa nakikitang solusyon ang pagkolekta sa tubig-ulan, sabi ni Marcos.