Iniulat ng pulisya nitong Linggo na binaril ang isang 25 anyos na lalaki ng hindi pa nakikilalang salarin sa Tondo, Maynila at ayon sa kanila, naglalakad umano ang biktima sa eskinita sa Parola Compound nang ilang beses siyang barilin, na naging sanhi ng kaniyang agarang pagkamatay.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Manila Police District, nakausap nila ang ina ng biktima na nagsabing 30 minuto bago ang krimen ay napansin niyang may ka-chat ang anak sa cellphone at nakakunot ang noo nito.
Sinubukan umanong silipin ng pinsan ng biktima ang kausap sa cellphone pero nililihis ito ng binata. Kasunod nito’y umalis na ang anak at nabalitaan na lang ng ina na binaril na ito.
Patuloy namang inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga salarin at motibo sa krimen.
“Lahat po ng anggulo tinitingnan po namin, lalo na po ‘yong naging kaso niya dati na may kinalaman sa droga,” saad ni Police Senior Master Sergeant Boy Niño Baladjay ng MPD.
“Ayon po sa pagi-imbestiga namin, itong biktima ay dating nakulong sa kasong may kinalaman sa droga noong 2021 at ngayong taon lang siya nakalaya,” dagdag niya.
Nagsasagawa ng follow-up operation at backtracking ang mga otoridad kaugnay sa kaso.