Dahil hindi umano pinagbigyan ang kanilang song request sa isang bar sa Makati City, tatlong lalaki ang bumagsak sa kulungan makaraang magpanggap na pulis at manggulo sa mga kostumer ng bar nitong nakaraan.
Ayon kay Southern Police District Director Police Brigadier General Kirby John Kraft, nagsimula umanong mang-harass ang tatlong lalaki ng iba pang mga kostumer at empleyado ng bar nang hindi napagbigyan ang kanilang song request.
“Nagre-request po sila ng kanta. At nang hindi po agad ito matugtog ay kanilang binalingan ‘yung banda, lalo na ‘yung lead singer,” saad ni Kraft.
Ayon sa paunang imbestigasyon, nagpaliwanag ang lead singer na marami pang nakapilang requested song pero hindi umano nakinig ang mga suspek at nagpakilala pang mga pulis, bagay na hindi pinaniwalaan umano ng lead singer.
“Hiningian niya po ito ng ID, ng pagkakakilanlan, at dahil dito lalong nagalit ‘yung tatlong lasing,” sabi ni Kraft.
Noong una, pumalag pa ang tatlong suspek, pero naaresto rin kalaunan at sa presinto nabisto na hindi sila mga pulis, kundi mga security guard.
Nahaharap ang tatlo sa reklamong alarm and scandal, usurpation of authority at disobedience to authority.
Samantala, dalawang magkasunod na sunog ang sumiklab sa Quezon City nitong umaga ng Linggo at pasado alas-11 ng umaga nang sumiklab ang sunog at mabilis kumalat sa ilang bahay sa Scout Bayoran, Barangay South Triangle.
Idineklara pa ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang unang alarma sa naturang sunog.
Bagaman mabilis na nakaresponde ang mga bombero, nahirapan sila na apulahin ang apoy dahil madaling masunog ang materyales ng karamihan sa mga bahay ng residential compound at makitid na daanan papunta sa loob.
Tinatayang nasa 35 hanggang 40 bahay ang natupok, ayon sa kagawad na si Tomas Paguirigan, na kasama rin sa mga nasunugan.