Ilang araw bago ang deadline para sa SIM Card Registration sa bansa ay marami pa rin ang hindi pa nakakapagparehistro ng kanilang mga SIM cards dahil umano sa kakulangan sa mga dokumento na kailangan upang makapagpa-rehistro.
Maging ang Department of Trade and Industry (DTI) ay nagbigay na rin suporta sa panawagang iurong ang deadline ng SIM card registration at ayon kay DTI Secretary Alfredo Pascual na mahalaga ang SIM card registration para sa mga maliliit na negosyo, lalo na sa mga nasa online selling.
Sa pamamagitan ng rehistradong SIM, makikilala ang mga nagbabayad sa mga digital payment at maiiwasan ang panloloko.
Kailangan namang paigtingin ang kampanya para sa SIM card registration sa nalalapit na deadline ng Abril 26.
“SIM registration is very important as we move towards digital payments, and digital payments are what we need to happen to further promote and develop our MSMEs. Because that’s how they can facilitate accessing the market, being able to sell online,” sabi ni Pascual.
Kung matatandaan, nanawagan na rin ang dalawang telecommunications company na palawigin pa ng gobyerno ang deadline para sa SIM card registration.
Paliwanag ng Smart Communications Inc. at TNT, nasa 36.5 milyon pa lamang o 55.1 porsyento ng kanilang subscribers ang nakapagparehistro.
Dagdag nito, sakaling mapalawig ang pagpaparehistro, mabibigyan ng pagkakataon ang mga unregistered users na makakuha ng documentary requirements, katulad ng government identification (ID).
“At present, all 160 million subscribers in the country are given only 121 days to register. Comparatively, in other countries like Indonesia and India, PTEs were given 1 to 2 years of a registration window to better prepare for and promote SIM registration,” sabi naman ni PLDT, Smart First VP Cathy Yang.
Sa datos ng National Telecommunications Commission, umaabot pa lamang sa 75,564,837 SIM cards ang nairehistro, 44.97 porsyento ng kabuuang 168,016,400 active mobile users sa bansa.
Sana ay mapagbigyan ang pagpapalawig sa SIM card registration deadline dahil talagang hindi lahat ay mayroong mga dokumentong kailangan upang makapagparehistro at magiging kawawa lamang sila dahil dito.