Inaresto ng mga otoridad ang isang construction worker matapos umanong gahasain ang menor de edad niyang anak at ayon sa suspek, lasing umano siya kaya nagawa nito ang krimen.
Ayon sa ulat, naaresto ng mga pulis-Quezon City sa isang follow-up operation sa Barangay Baesa ang 33-anyos na construction worker na gumahasa umano sa 15-anyos na panganay niyang anak.
Nangyari umano ang krimen noong Miyerkoles ng madaling-araw.
“Ayon po sa imbestigasyon namin yung suspek ay nakainom. Yun po, natutulog yung kanyang anak e, pinagsamantalahan ho niya,” pahayag ni Police Lt. Col. Mark Janis Ballesteros, commander ng Talipapa Police Station.
Nagbanta pa raw ang suspek sa kanyang anak na huwag magsumbong kahit kanino kasi kung makukulong siya, magpapakamatay na lang daw siya at hindi na siya makapagbibigay ng suporta,” dagdag ni Ballesteros.
Binantayan umano ng husto ng suspek ang kanyang anak, pero nakuha pa rin ng biktima na makapagsubong sa tiyahin niya.
Dumulog agad umano ang tiyahin ng bata sa pulisya kaya naikasa ang operayon at nahuli ang suspek.
“Lasing po ako noon sir, ang nangyari po nun ay nahipuan ko po siya,” saad ng suspek. “Hihingi po ako ng pasensya sa anak ko. Sana mapatawad niya ako sa ginawa ko.”
Sinampahan ang suspek ng reklamong statutory rape.
Samantala, nasunog naman ang apat na bahay sa pagsiklab ng apoy sa isang residential area sa Barangay Culiat, Quezon City Huwebes ng gabi.
Nagsimula umano ang apoy nang may nag-spark na wire sa ikalawang palapag ng isang bahay pasado alas-onse ng gabi sa Purok 5.
Ilang minuto lamang umano ang lumipas ay lalong lumaki ang apoy at kumalat sa magkakadikit na bahay. Naapula ang apoy bandang 12:30 kinabukasan.
Ayon kay Joselito Bauzon, may-ari ng bahay, nagsimula ang sunog sa mga spark ng malalaking wire hanggang sa lumiyab na at hindi na nila maapula ang apoy, hanggang sa dumating na ang mga bumbero.