Lumelevel-up na ang aktres at singer na si Maymay Entrata dahil sa kanyang upcoming single na “Autodeadma” ay makakasama niya ang Korean rapper-singer-songwriter na si Wooseok.
Ito ang kauna-unahang beses na nakipag-sanib pwersa si Maymay sa isang international artist. Miyembro ng sikat na South Korean multi-national boy group na Pentagon si Wooseok na binuo ng Cube Entertainment.
Tungkol ang kolaborasyon nina Maymay at Wooseok sa katotohanang laging may masasabi ang lipunan sa tagumpay ng bawat tao kaya’t mas mabuting huwag na lang itong pansinin.
Naglabas din ang ABS-CBN record label na Star Pop ng teaser ukol sa awitin kamakailan na nagsabing ang ibig-sabihin ng ‘Autodeadma’ ay awtomatikong hindi pagpansin sa mga komento at puna ng ibang tao.
Unti-unti nang nakikilala si Maymay bilang Pinoy pop soloist dahil sa kanyang nagniningning na performances.
Sinusundan ng kantang “Autodeadma” ang mga empowering songs niyang “Amakabogera” at “Puede Ba”. Naging nominado rin siya sa MTV Europe Music Awards (EMA) noong 2022 bilang Best Asia Act.
Pangalawang blessing na ito para sa dalaga dahil ang una ay ang kanyang pa-boyfriend reveal noong Valentine’s Day kung saan sinorpresa ng dalaga ang kanyang mga kaibigan sa showbiz, mga fans at social media followers sa mismong Araw ng mga Puso sa pamamagitan ng pagpapakilala sa kanyang foreigner na dyowa.
Ipinost ni Maymay sa Instagram ang sweet photo nila ng non-showbiz guy na may simpleng caption na, “Happy Birthday my Valentino.”