Iniulat ng mga otoridad na isang rider ang namatay matapos magulungan ng isang 10-wheeler truck sa McArthur Highway sa Malolos, Bulacan noong Martes.
Ayon sa mga paunang ulat, nakabangga umano ng isang kotseng liliko sana sa kalsada ang rider at matapos mabangga ang sasakyan ay tumilapon umano ang rider at bumagsak sa kabilang lane ng highway.
Bago pa nakatayo ang rider ay nagulungan na ito ng paparating na trak na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.
Sinabi sa imbestigasyon na mabilis ang takbo ng motorsiklo kaya hindi agad nito napigilan ang pagbangga sa kotseng papaliko sa kalsada.
Nakipagtulungan naman sa mga awtoridad ang driver ng truck at kotse, na hindi umalis sa pinangyarihan ng insidente. Iginiit umano nilang aksidente ang nangyari.
Pinag-iingat naman ni Malolos Police head Captain Jereland Salinas ang mga motoristang dumadaan sa nasabing highway.
“Doble-ingat talaga sila, lalo ‘yong kahabaan ng mga highway natin, talagang sobrang delikado,” sabi ni Salinas.
Tumanggi nang magbigay ng pahayag ang pamilya ng nasawing rider.
Nahaharap naman sa kasong reckless imprudence resulting in homicide and damage to property ang driver ng kotse at truck.
Samantala, arestado ang isang construction worker sa Quezon City matapos umanong molestiyahin ang 14-anyos na anak ng kanyang katrabaho sa Batangas.
Ayon sa ulat, isinilbi ng Quezon City Police District Station 6 (QCPD-6) ang arrest warrant para sa suspek na 29-anyos na construction worker sa kanyang bahay sa Barangay Commonwealth.
Ayon sa ulat, ang arrest warrant ay para sa two counts of acts of lasciviousness.
Pahayag ng mga pulis, 14-anyos ang biktima na anak ng katrabaho ng suspek. Dalawang beses umanong minolestiya ng suspek ang biktima sa Batangas nito lamang nakaraang Enero.
Agad umanong nakapagsumbong ang biktima sa kanyang nanay kaya naisampa ang reklamo laban sa suspek.
Napag-alamang ang suspek ay ika-siyam sa top 10 most-wanted person ng QCPD-6.