Hanggang ngayon ay nangangamba pa rin ang mga mamamayan ng Oriental Mindoro sa epekto ng nangyaring oil spill dahil hindi pa rin nila maibalik sa dati ang kanilang pamumuhay dahil patuloy pa ring nagkakaroon ng problema kaugnay nito.
Bukod sa kabuhayan ay apektado na rin ang karagatan dahil wala na halos mahuling isda dahil sa oil spill habang ang may mga negosyo naman ay apektado na dahil hindi rin sila makakuha ng bibisita sa kanila dahil hindi rin naman makakalangoy ang mga ito.
Pero nitong nakaraan lamang, nasa 200 mamamayan ng Oriental Mindoro ang nagpakita ng sintomas ng mga sakit na posibleng konektado sa oil spill.
Ayon kay Oriental Mindoro Provincial Health Officer Dr. Cielo Ante, 212 na sa kanilang mga residente ang nagpakita ng oil spill-related na sintomas at sa kabuuang bilang, 211 na ang gumaling habang isa na lang ang binabantayan pa ng mga doktor.
Sabi pa niya, karamihan sa mga kaso ay nagkasakit nang unang mangyari ang oil spill sa lalawigan at patuloy na pinaalalahanan ng doktor ang publiko tungkol sa masasamang epekto ng oil spill sa kalusugan ng tao.
“Ang exposure to water contaminants…may cause various skin diseases such as rashes and blisters. Oils and grease may also result in aspiration leading to respiratory diseases, while ingestion o yung pag-inom, pwedeng mag-cause ng gastrointestinal irritations and pwede mag-manifest acutely as sintomas tulad ng pagsakit ng tiyan, pagsusuka, pagtatae,” saad ni Ante.
Pinayuhan ng opisyal ang publiko na patuloy na sundin ang mga utos ng Department of Health at iba pag ahensya ng gobyerno tungkol sa pag-iwas sa oil spill at hinikayat rin niya ang mga lokal na pamahalaan na pag-ibayuhin ang pagpapalakas sa iba pang tourist destination sa kanilang lugar bukod pa sa dagat.
Sana lamang talaga ay magawan rin ng pamahalaan na mabigyan ng tulong ang mga apektadong residente sa nasabing lalawigan lalo ngayong nagpapatuloy pa rin ang pandemya at nagtataasan na rin ang mga presyo ng pangunahing bilihin.