Dahil sa namumuong tensyon at kaguluhan ngayon sa bansang Sudan, nananawagan na ang mga Pilipinong naroon ng tulong dahil sa panganib na kanilang hinaharap mula nang lumala ang gulong nangyayari doon.
Kung matatandaan, naiulat nang nasa 200 na ang patay habang 1,800 na ang sugatan dahil sa sigalot sa pagitan ng hepe ng Sudan Army na si Abdel Fattah al-Burhan at ang kanyang deputy na si Mohamed Hamdan Daglo.
Ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary for Migrant Workers Affairs Eduardo de Vega, may 178 nang Pilipino sa Sudan ang tumawag sa kanila para humingi ng tulong, at hindi bababa sa 60 dito ang gusto nang umuwi, aniya.
“Nakikipag-usap yung ating embahada doon sa IOM, International Organization on Migration officials sa Khartoum, kasi usually IOM sila yung inaasahan para gumawa ng rescue operations or special repatriation para sa mga foreign citizens,” sabi ni De Vega.
Dagdag pa ng opisyal, sinisikap ng embahada na makahanap ng paraan para mailikas ang mga Pilipino doon.
“Yung ating embahada, nananawagan sa mga Pilipinong tawagan sila parati para mabalita kung anong kalagayan nila para, sine-setup ng embassy ngayon yung mga rescue missions. Ang problema lang kasi, hindi ngayon operational yung airport so papaano makakaalis?”
Hindi maikakailang matinding panganib ang hinaharap ngayon ng mga Pinoy sa Sudan dahil sa kaguluhan, kaya sana ay matugunan ng pamahalaan ang kanilang panawagan ng tulong at maiuwi sila nang nasa maayos na kalagayan.