Si Daniel Palacio ay isa sa mga active at successful filmmaker ng Brillante Mendoza Film Workshop. Siya ay tinanghal na best director sa batch nila kaya naman naging mentor niya si Direk Brillante sa mga unang films na ginawa niya (Underground, The Brokers, Kaliwaan).
Ang kanyang pinakabagong pelikula na M1 Films ang nag produce ‘Ang Matsing at ang Pagong’ ay nanalo kamakailan sa Asian Film Festival sa Rome, Italy at si James Blanco bida sa pelikulang ito, ang nagwaging Best Actor.
Ang 2023 Asian Film Festival ay ginanap sa Cinema Farnese sa Rome, Italy mula Marso 30, 2023 hanggang Abril 5, 2023, ito ang ika-20th edition ng naturang film festival.
Ang pelikulang ito ni Daniel Palacio ay pinagbibidahan ni James Blanco bilang Vice Mayor ng isang bayan sa Quezon na sa kalaunan ay hinamon ang nanunungkulan para sa posisyong pagka Mayor sa darating na eleksyon. Idinirek ni Daniel ang pelikula na kanya ring isinulat kasama ang mentor nilang dalawa ni Brillante Mendoza sa Found Story School of Filmmaking na si Armando “Bing” Lao, na siya ring editor ng pelikula.
“Binigyan ko ng kalayaan si James sa kanyang character na mag-react lang base sa sarili niyang interpretasyon,” saad ni Direk Daniel sa isang interview doon. “Kaya naging natural yung pag-arte nya at yun ang napansin ng mga nakapanood ng pelikula sa ibang bansa. Tamang-tama talaga siya para sa role ng isang mabait na politiko.” dagdag pa nito.
“Ang Matsing at ang Pagong” ay ang first venture project ng M1 Films sa pag po-produce, na nagsimula lamang bilang production company noong 2022. Pinuri ng executive producer ng kumpanya na si Oliver Sy ang pagpili ni Daniel ng isang compelling story na may boses sa lipunan.
Sa mga pinagpasahan ng pelikula ay mas pinili ni Sy ang Asian Film Festival, isa sa pinakamahalagang film festival sa Europe, para doon maidaos ang world premiere ng pelikula kasama ang mahigit na 80,000 Pilipino sa Roma. Masaya ang buong team dahil narinig sa buong mundo ang malinaw na mensahe nito at ang boses ng mga maliit na tao na nakakaranas ng hindi pagkakapantay-pantay na trato sa lipunan.
Nanalo si James Blanco ng Best Actor award sa 20th Asian Film Festival, at tinalo nito ang 17 pang iba pang nominado mula sa iba’t ibang sa naturang festival. Ang mga naging hurado ay mga batikang filmmaker na sina Enzo Aronica, Roberto Recchioni at ang journalist na si Marco Lodoli.
Nagustuhan ng mga hurado ang performance ni Blanco dahil natural ang naging interpretasyon nito sa kanyang karakter bilang bayani sa pelikula.
Ang festival director na si Antonio Termenini ang nagbigay ng award, na tinanggap naman ng mga producers ng pelikula na sina Vanessa Joy Palacio (asawa ni Daniel) at Hilque Dairo on behalf of James Blanco. Si Donna Celeste Feliciano-Gatmaytan, ang consul general ng embahada ng Pilipinas sa Roma, ay sumama din kina Daniel, Vanessa at Dairo sa film festival.
Ang parangal na ito para sa Pelikulang Pilipino ay maituturing na isang importanteng event na ipinagdiwang kasama ang mga overseas Filipino worker mula sa iba’t ibang bahagi ng Italy upang panoorin ang pelikula. Nagpahayag din sila ng pasasalamat sa direktor habang ibinahagi nila ang kanilang mga damdamin matapos mapanood ang magandang pelikula.
Karamihan naman sa mga Italian audience ay nabighani sa docu-drama cinema style ni Daniel.
“The words of appreciation from my fellow Filipinos were such a big accomplishment already,” pagpapatuloy ni Daniel. “Bonus na lang ang pagkapanalo.”
Nasa Out of Competition category naman ang pelikula ni Lav Diaz na ‘When The Waves Are Gone’ at ni Brillante Mendoza na ‘Apag’.
Sina Jeffrey Icawat at Jerel Travezonda ang nagsilbing cinematographers ng pelikula. Kasama ni James Blanco sa cast sina Jana Victoria, Raion Sandoval, Raquel Villavicencio, Cataleya Surio, Dido Dela Paz at Lou Veloso.
Samantala nasa post-production naman ngayon ang susunod na pelikula ni Daniel Palacio na pinamagatang ‘Hugot’ pinagbibidahan ito ng mga bago at batikang mga artista na sina Benz Sangalang, Azi Acosta, Jiad Arroyo, Stephanie Raz, Apple Castro. Kasama dito sina Mark Anthony Fernandez, Joko Diaz, Julio Diaz, Mickey Ferriols, Isadora, Peter Georgo at marami pang iba.
Isang sports drama naman ang kanyang bagong pelikula na may pinoy humor na pang-masa ang genre. Mapapanood ito sa pinakabago at pinakamalakas na streaming platform sa bansa ang Vivamax, simula May 26.