Inihayag ng kampo ni dating Senador Leila de Lima na malapit nang desisyunan ng Muntinlupa Regional Trial Court Branch 204 ang kaso laban sa kanya dahil sa pagdinig nitong Lunes ng umaga, submitted for decision na ang Criminal Case 165 laban sa dating senador.
Ayon kay Atty. Filibon Tacardon, sa susunod na buwan itinakda ang promulgation.
“Inaasahan namin ang promulgasyon ng desisyon by May 12, 2023,” saad ni Tacardon.
“Malalaman natin dito kung inosente talaga si Senator Leila de Lima at hinihiling natin ang dasal ng ating mga kababayan. Ipagdasal natin si Senator Leila de Lima na sana mabasura na itong kaso na ito laban sa kanya,” dagdag pa niya.
Ang kaso ni de Lima sa Branch 204 ay may kaugnayan sa kanya umanong pagtanggap ng pera na nagkakahalagang P10 milyon mula kay dating National Bureau of Investigation (NBI) Deputy Director Rafael Ragos.
Ang pera ay galing umano sa illegal drug trade sa New Bilibid Prisons.
Noong nakaraang Mayo, binawi na ni Ragos ang kanyang testimonya laban kay De Lima. Inakusahan rin niya si dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na pinilit siyang tumestigo laban kay De Lima, bagay na itinaggi nito.
Samantala, nakabinbin pa ang petisyon ni De Lima na makapagpiyansa para sa kanyang Criminal Case 167.
“Kung sakaling mabasura ang Criminal Case 165 at ma-grant yung petition for bail ni Senator Leila de Lima ay sama-sama nating sunduin si senator de Lima sa Camp Crame palabas,” sabi ni Tacordon.