Iniulat ng Bureau of Immigration (BI) nitong Martes na may nahuli umanong isang Korean national noong Lunes dahil sa paggamit umano ng Philippine passport sa plano nitong pag-alis ng bansa sa Ninoy Aquino International Airport.
Papunta sanang Cambodia ang 43 anyos na dayuhan nang mapansin ng mga awtoridad sa NAIA Terminal 2 na hindi umano ito makasagot sa mga tanong sa mga wikang Pilipino kahit pa pang-Pilipino ang pangalang nakasulat sa hawak nitong pasaporte.
“Upon interview, the alien admitted that he used to have a Korean passport, and he obtained his Philippine passport through another Korean national,” sabi ni BI Intelligence chief Fortunato Manahan, Jr. sa pahayag ng ahensiya.
Pero ayon sa BI Anti-Fraud Section, hindi peke ang pasaporteng iprenesenta ng Koreano, na nagpakita rin ng postal ID at Philippine driver’s license.
Ipinasisiyasat ni Immigration Commissioner Norman Tansingco kung paano nakuha ng dayuhan ang naturang pasaporte.
“There have been many instances in the past of foreign nationals obtaining Philippine documents through misrepresentation and illegal means that have been stopped by our alert officers,” saad ni Tansingco.
“We also warn that evading immigration protocols through acquiring spurious documents warrants deportation,” dagdag niya.