Muli na namang nagpakilig ang aktres na si Kim Chiu kasama ang kanyang nobyong si Xian Lim makaraang magpost ang dalaga ng kanilang mga larawan mula sa kanilang pagbabakasyon noong nakaraang Semana Santa.
Nagpanic kasi ang kanilang mga fans nang napansin nila na nitong nagdaang Holy Week ay puro solo pictures lang ang ipino-post ni Xian sa Instagram.
Pero ngayon nga ay palagay na ang kanilang kalooban matapos magbahagi sina Kim at Xian sa kani-kanilang IG account ng sweet photos together pati mga video na kuha sa napakagandang isla ng Balesin.
Mukhang enjoy na enjoy naman ang dalawa habang magkasama sa Balesin kung saan nila sinalubong at ipinagdiwang ang Pasko ng Muling Pagkabuhay.
Sa Instagram ni Xian, naka-post ang isang reel na may background music ng awiting “Buko” ni Jireh Lim na pinaikling “buhay ko”. Tinag din ng Kapuso actor ang kanyang longtime girlfriend.
Nag-comment naman agad si Kim sa sweet at pakilig post ni Xian, “In fairness dami nating picture sa BUKO!!!!” na sinundan pa niya ng laughing emoji at hashtag “#BUhayKO.”
Siyempre, hindi rin nagpatalbog si Kim kay Xian at nag-post din ng isang reel sa kanyang IG account. Mapapanood naman dito ang ilang mahahalagang kaganapan sa pagbabakasyon nila sa Balesin.
“Its the little things that make you @xianlimm,” ang maikling mensahe ni Kim para sa kanyang boyfriend.
Samantala, sa April 19, magse-celebrate naman si Kim ng kanyang 32nd birthday.