Inihayag ng Department of Agriculture (DA) nitong Lunes na bahagyang tumaas ang presyo ng ilang pagkain, partikular na ang isda at ibang seafood, sa ilang mga palengke ngayong Semana Santa.
Ayon kay DA spokesperson Kristine Evangelista, inaasahan nilang babalik sa normal ang presyo ng mga pagkain pagkatapos ng Holy Week.
“Nakita namin nagtaas ng as much as P20 per kilo, pero hindi naman po sa lahat ng palengke. Because the supply is there, siguro it is the discretion ng ating mga retailers na magkaroon ng price movement,” saad ni Evangelista.
“Nakita rin naman natin in the past malaki kasi ang demand ng seafoods pag Holy Week kaya tumataas ang presyo. Pero since tinitignan natin ang supply situation, alam po natin na maasahan natin na bumalik sa normal na presyo ang ating seafoods, especially ang ating isda,” dagdag niya.
Batay sa tala ng DA, noong Abril 5, nasa P160 hanggang P220 kada kilo ang milkfish o bangus, habang nasa P110 hanggang P160 ang presyo ng tilapia. Nasa P180 hanggang P280 naman ang presyo ng galunggong, at nasa P280 hanggang P360 ang presyo ng alumahan o Indian Mackerel.
Sa karneng baka, nasa P390 hanggang P550 ang kilo ng beef rump, habang nasa P350 hanggang P500 ang kilo ng beef brisket. Ang pork ham o kasim, nasa P290 hanggang P360 kada kilo, samantalang nasa P165 hanggang P200 ang isang buong manok.
Nasa P6.70 hanggang P8.50 ang isang piraso ng medium sized na itlog ng manok.
Nasa P37 hanggang P58 ang kilo ng imported na bigas, depende sa uri nito, habang nasa P34 hanggang P60 ang presyo ng local commercial rice.
Mabibili ang ampalaya sa halagang P70 hanggang P120 kada kilo, habang nasa P60 hanggang P120 ang kilo ng sitaw; P40 hanggang P80 ang pechay Tagalog; P35 hanggang 60 ang kilo ng kalabasa, P50 hanggang P100 ang kilo ng talong at nasa P25 hanggang P65 naman ang kilo ng kamatis.
Ang repolyo naman, nasa P55 hanggang P90 ang kilo, habang nasa P60 hanggang P100 kada kilo ang carrots. Ang Baguio beans, nasa P60 hanggang P100 kada kilo, habang nasa P70 hanggang P120 ang kilo ng patatas. Ang pechay Baguio, nasa P50 hanggang P100 kada kilo, at nasa P30 hanggang P60 ang presyo ng kilo ng sayote.
Ang local red onion, nasa P90 hanggang P140 ang kilo, habang ang local white onion nasa P100 hanggang P152 ang kilo. Ang imported na bawang, nasa P80 hanggang P130 ang kilo, habang nasa P70 hanggang P120 ang kilo ng luya, at nasa P90 hanggang P160 ang kilo ng siling labuyo.
Ang presyo naman ng asukal ay naglalaro sa P78 hanggang P110 kada kilo depende sa uri, habang ang cooking oil ay nasa P25 hanggang P110 kada kilo, depende rin sa uri.
Ang ibang prutas tulad ng calamansi ay nasa P100 hanggang P140 kada kilo; saging na lakatan nasa P65 hanggang P100 kada kilo; papaya nasa P40 hanggang P70 kada kilo at manga nasa P100 hanggang P200 kada kilo.
Ayon naman sa DA, tuloy ang pagmomonitor nila ng presyo ng pagkain.