Hindi maikakailang matindi ang naging epekto ng oil spill sa Orientral Mindoro dahil hindi lamang kabuhayan ng ating mga mangingisda ang nasalanta, maging ang mga karagatan natin ay hirap na ring malinis.
Pero sa kabila nito, may nakikita pa ring pag-asa dahil may mga lugar nang natukoy kung saan maaari nang simulan ang pangingisda habang umiiral pa rin ang ban sa mga katubigang sapul ng langis.
Ayon kay Oriental Mindoro Governor Humerlito Dolor, base sa impormasyon mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), puwedeng magsilbing alternative fishing ground para sa commercial vessels ang Mindoro Strait, Cuyo Pass sa Palawan, Tablas Strait sa Romblon at Tayabas Bay sa Quezon province.
Para naman sa municipal boats, maaari umanong mangisda sa Paluan, Abra de Ilog, San Jose at Magsaysay sa Occidental Mindoro, at sa may Marinduque area.
Ayon naman kay Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos, magbibigay ng fuel subsidy ang gobyerno sa mga mangingisda pero hindi pa tukoy ang halaga.
Nakikipag-ugnayan na rin ang Department of the Interior and Local Government sa mga lalawigang sakop ng mga natukoy na alternatibong fishing ground.
“What we will do, we will coordinate now with different governors ‘yun sa request, I’m sure papayag naman ‘yon,” saad ni Abalos.
Samantala, nailagay na ng remotely operated vehicle (ROV) ang 5 special bag sa mga leak sa MT Princess Empress para makuha ang tumatagas na langis. Nagsimula ang proseso – na tinatawag na bagging – noong Marso 31.
Harinawa’y talagang makabawi na ang ating mga kababayang mangingisda mula sa bangungot na ito, dahil hindi biro ang kanilang pinagdaraanan ngayong mga panahon na ito.