Limang tao ang nasawi habang isa naman ang naiulat na sugatan matapos umanong tamaan ng kidlat ang kanilang sinilungan noong Linggo ng hapon sa Barangay Binaton sa Digos City, Davao del Sur.
Ayon kay Digos City Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) team leader Philip June Caminade, pumunta sa Camp Madeg’ger ang anim para mamasyal, ngunit biglang bumuhos ang malakas na ulan.
“Nanatili sila sa kubo. Doon tumama ang kidlat sa poste o haligi ng kubo kaya tumilapon silang lahat,” sabi ni Caminade sa isang panayam.
Namatay sa insidente ang mga babaeng may edad 17, 18, at 23. Ang dalawa pang nasawi ay mga lalaking may edad namang 15 at 19 kung saan lahat sila ay nagtamo ng mga sugat at pasa sa katawan.
Nakaligtas naman ang 21 taong gulang na lalaki na nagtamo ng minor burns at may sintomas ng hypothermia.
Sa panayam sa survivor, sinabi nitong masakit ang binti nito at masakit idilat ang mga mata.
Sinabi nitong kasama niya ang kanyang nobya na kabilang sa mga nasawi, at nakasabay niyang sumilong sa kubo ang dalawa pang babae at dalawang lalaki.
Payo ng DRRMO kung malakas ang ulan na may kasamang pagkidlat ay iwasan na ang pagpunta sa matataas na lugar at open spaces.
Samantala, inihayag ng Philippine National Police (PNP) na umabot sa 72 katao ang naitala nilang nasawi sa mga insidente ng pagkalunod sa iba’t ibang lugar nitong nagdaang Holy Week. Apat naman ang nasawi dahil sa aksidente sa kalsada.
Sa televised public briefing nitong Lunes, sinabi ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo, na ang naturang bilang ng mga nasawi sa pagkalunod ay hanggang nitong 6 p.m. ng Easter Sunday.
Karamihan sa insidente ng pagkalunod ay nangyari sa Calabarzon (19 ang biktima), Ilocos (14), at Central Luzon (10).
Sa 72 na nasawi, 23 ang nasa edad tatlo hanggang 17. Tatlo naman ang senior citizens, ayon kay Fajardo.
Sa isang pahayag, pinayuhan ni PNP chief Police General Rodolfo Azurin Jr. ang publiko na laging babantayan ang kanilang mga anak sa family outing.
“To all parents, please do not leave your children unattended and avoid drinking liquors while swimming to avoid cases of drowning,” paalala niya.
Nakapagtala rin ng mga aksidente sa kalsada ang PNP na nagresulta sa pagkasawi ng apat katao.