Aminado ang aktres na si Sanya Lopez na bukod sa mga fight scenes at action stunts, super challenging din para sa kanya ang paggamit ng iba’t ibang lengguwahe para sa action-fantasy series na “Mga Lihim ni Urduja”.
Ayon sa dalaga, hirap talaga siyang magkabisado ng kanilang script kesa sa pagsabak sa maaaksyong eksena.
Si Sanya ang gumaganap na Urduja sa serye at kailangan niyang magsalita ng iba’t ibang language para sa kanyang mga eksena, kabilang na ang Arabic at Chinese at Mongolian.
“Mas mahirap yung aralin e, ‘yung language talaga ‘yung mas mahirap. Mas okey pa ‘ko na (sipa)-sipain na lang,” sabi ni Sanya.
Bukod kay Sanya, ang iba pang miyembro ng cast ng “Mga Lihim ni Urduja” na kailangang karirin ang kanilang mga dialogue sa ibang wika ay sina Yasser Marta, bilang Ibn Battuta (Arabic) at Rodjun Cruz, as Min Feng (Chinese).
Sabi ni Yasser, “Isa ‘yun sa mga nakakaubos ng oras talaga namin, ‘yung pagmememorize ng lines, and siyempre, hindi rin biro.”
Para naman kay Rodjun, “Kapag walang taping, inaaral ko mabuti and ‘yung coach ko, sinesendan niya ako ng videos.”
Samantala, nang dahil sa matitinding fight scenes nila sa “Urduja”, hindi maiiwasang magkasakitan si Sanya at ng nakakalaban niya sa mga eksena, kabilang na ang gumaganap na Dayang Salaknib na si Rochelle Pangilinan.
“’Yung sipa kanina, naging totoo. Okey naman ako, tuloy lang. Minsan gusto ko ‘yung tinatamaan para hindi ka nauuna (sa reaction),” saad ni Sanya.
Nabanggit pa niya ang pagbalik ng kanyang knee injury na nawala na noon dahil sa matinding training na ginagawa nila para sa mga buwis-buhay na action scenes.
“Nawala na siya before pero bumabalik siya kasi syempre marami tayong mga eksena, marami tayong mga fight scenes, so sabi ko, ‘Konting tiis lang, fight pa rin dapat,’” sabi pa ni Sanya.