Inamin ng aktres at dancer na si Rochelle Pangilinan na pinagsisihan niya ang naging desisyon ng dati niyang grupo na SexBomb Dancers na huwag mag-report sa “Eat Bulaga” bilang pagsuporta sa talent manager nilang si Joy Cancio.
Ito yung panahon nang maipit sila sa issue ng discoverer at manager ng SexBomb Girls na si Joy at ng isang executive ng “Eat Bulaga,” at magdesisyong hindi na sumipot sa longest-running noontime show sa bansa.
Kuwento ng aktres, nasa taping sila ng afternoon series nila noon na “Daisy Siete” (2011) nang malaman nilang nagkaroon ng hindi pagkakaintindihan si Joy Cancio at dating producer ng “Eat Bulaga”.
Ang unang desisyon nina Rochelle bilang grupo ay huwag nang makialam sa issue hanggang sa tanungin sila ng direktor nila sa “Daisy Siete” na si Pat Perez kung magpe-perform pa rin sila sa “Eat Bulaga” sa kabila ng nangyari.
“Tahimik lang ako kasi iniisip ko pa rin kung anong dapat gawin. In fairness ‘tong sa mga girls, may respeto sila sa akin. Sinusunod nila ako noong mga panahon na ‘yon kung ano ang magiging desisyon namin bilang ate,” sabi ni Rochelle.
“Ako, firm ako roon sa desisyon ko na, ‘Hindi, a-attend tayo.’ So nag-meeting kami na alam ko somewhere in Timog. Kasi ‘yung iba gusto na umuwi, ‘di ba, ganu’n ang SexBomb, ayaw na napapa-involve sa mga ganyan. ‘So uwi na lang kami ate, kasi baka kapag um-attend naman tayo pagalitan tayo sa Eat Bulaga’. ‘O, baka kapag um-attend tayo papagalitan tayo ni Ate Joy, kapag hindi naman tayo um-attend magagalit ang Eat Bulaga, uwi na lang kami, mag-absent na lang kami today,’” ang patuloy pa kuwento ni Rochelle.
Hanggang sa magkasundo ang lahat ng miyembro ng SexBomb na mag-report na sa “Eat Bulaga” para patunayan ang kanilang pagiging professional. Ang usapan nila, wala munang magbubukas ng cellphone habang nasa studio.
Pero may isang member daw ang hindi nakapag-off ng cellphone kaya natawagan ng kanilang manager.
“Tumawag si Lola tapos umiiyak na ‘Ano sa tingin niyo?’ E, siyempre naawa si ano… kami, kaya ‘di hindi na rin kami um-attend. Kung anuman ‘yung side nila, ‘yun ang hindi ko na masasagot, kung ano ba talaga ang nangyari. Kasi kahit naman sa amin, hindi naman na-discuss nang ganu’n ka-clear. Labas kami doon,” sabi pa ng aktres.
“Ngayon siyempre bilang respeto kay Ate Joy bumalik kami ngayon sa studio sa Kamias. So ayun ending, news kami,” dagdag niya.
“Dapat naging professional pa rin kami. Siguro hindi sumama loob sa amin ng side ng Eat Bulaga, ‘yung ganu’n ang feeling. Kasi for sure sumama ang loob nila sa amin after that incident,” sabi pa ni Rochelle.