Nitong nagdaang Semana Santa, mapapansin na talagang nasasabik na ang ating mga kababayan na magsi-uwi sa mga probinsya at magbakasyon matapos ang halos tatlong taong mahigpit na pagbiyahe dahil sa COVID-19 pandemic.
Kita ang ebidensya, dahil noong Miyerkules Santo pa lamang ay matindi na ang daloy ng trapiko sa mga lansangan lalo na sa mga expressways at nitong Easter Sunday rin, kung saan sabay-sabay rin ang pag-uwi nang mga galing probinsya.
Ang pinaka-popular na puntahan ng bayan ay ang mga beaches dahil talagang sabik ang mga taong maligo sa dagat at makapagrelax.
Pero kasabay nga ng Semana Santa na panahon ng pagninilay, dumami rin ang mga naitalang insidente ng pagkalunod.
Ayon sa mga ulat, sinabing tinangay ng alon ang pitong kabataan na nagkayayaang magswimming sa San Jose, Camarines Sur at lima sa kanila ang nalunod, nawawala ang isa habang isa ang nakaligtas.
Nalunod din ang isang 15-anyos na dalagita sa Daet, Camarines Norte.
Natagpuang patay naman sa Magat River sa San Mateo, Isabela ang isang babae na posibleng nag-picnic, habang isang magsasaka naman na nagtangkang tumawid sa ilog matapos makipag-inuman ang natagpuan sa pampang ng Cagayan River sa Angadanan, Isabela.
Nalunod din ang isang lalaking nakainom umano sa Santa Ana, Cagayan.
Isang lalaking 36-anyos ang nalunod din matapos matangay ng alon habang lumalangoy sa dagat sa Dipaculao, Aurora.
Nagpaalala ang Philippine Coast Guard sa publiko na mag-ingat kahit nakakalat ang kanilang mga tauhan sa iba’t ibang mga resort kasama ang mga emergency rescue unit, para maiwasang mauwi sa sakuna ang bonding time ng pamilya.
Ibayong pang-iingat pa rin talaga ang kailangan.