Inilibing na ang mga labi ni Queen Leanne Daguinsin – ang graduating student ng De La Salle University-Dasmariñas na ninakawan at pinaslang sa loob ng kanyang dormitoryo sa Barangay Sante Fe, Dasmariñas, Cavite noong Marso 28.
Paglabas ng mga labi ni Daguinsin , bumuhos ang emosyon.
Ang kanyang ina, mahigpit ang hawak sa paboritong stuff toy ni Daguinsin. Halos wala rin siyang tigil sa pag-iyak habang ang nakababatang kapatid naman ng dalaga, walang tigil sa pagtawag sa kanyang ate.
Nagdaos ng misa para kay Daguinsin sa National Shrine of San Antonio de Padua church.
Emosyonal din ang mga dumalo sa misa mula kaanak, kaklase at mga kapitbahay.
Sa isang mensahe, nagpasalamat ang pamilya, na ipinaabot ng lola ng estudyante na si Shirley Daguinsin Florentino.
“Maraming salamat po [on] behalf of the Daguinsin and Monserat family, maraming maraming salamat po sa inyong lahat. Salamat po sa pamunuan ng Cavite, PNP director ng Cavite, provincial commander ng Laguna, chief of police ng Cavite at Sangguniang Bayan,” saad ni Florentino
Kuwento ni Florentino, mabait na bata si Leanne at hindi tumatanggap ng ligaw dahil aniya pangarap ng apo na makatapos at patigilin na sa trabaho ang amang OFW.
“Si Leanne hindi nagpapaligaw meron siyang goal in life to finish college and to ask her father to stop working abroad,” dagdag ni Florentino.
Tinuturing niyang isang sakripisyo ang pagkamatay ng apo. Dahil ito umano ang naging mitsa ng pagkamulat sa lokal na pamahalaan ng Dasmariñas.
Matapos ang misa, inihatid sa mawsoleo sa Pila Public Cemetery ang mga labi ni Daguinsin.
Nasampahan na ng kasong robbery with homicide at direct assault ang suspek na nakakulong na sa custodial facility ng Dasma PNP.
Ibinigay naman sa 6 na tao ang P1.1 milyong reward money na tumulong sa agarang pagkadakip nito.