Inihayag ng mga otoridad sa Talisay City sa Negros Occidental na isa umanong Grade 10 student ang inaresto matapos mahulihan ang bata ng granada sa loob mismo ng Rafael Lacson Memorial High School sa probinsya.
Sa inisyal na imbestigasyon, kinilala ang estudyante na si Bronson Lacson, 20 anyos na dinakip ng mga otoridad.
Bukod sa granada, nahulihan rin umano ang estudyante ng marijuana at ‘tooter’ kay Lacson.
“Kinapkapan natin siya and we are able to find the grenade in his possession sa bulsa niya. Other than explosives, nakakita rin tayo ng marijuana at tooter,” ayon kay Lieutenant Abigail Donasco, Deputy Commander, Talisay City Police Station.
Napag-alaman din na bago pumasok sa paaralan si Lacson ay may pinagbantaan umano itong pedicab driver na pupukpukin ng granada sa ulo.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya kung saan nakuha ni Lacson ang granada pati na ang dala nitong ilegal na droga.
Nasa kustodiya ng pulisya si Lacson na nakatakdang kasuhan. Wala pa siyang pahayag.
Lalo namang paiigtingin ng paaralan ang pagbabantay dahil sa nangyari.
“Definitely we will be closed until tomorrow until such time na may clearance na from the police na safe na ang school,” pahayag ni Principal Maritess River, Rafael Lacson Memorial High School.
Sa isang pahayag, sinabi naman ni Department of Education (DepEd) spokesperson Michael Poa, na nakikipag-ugnayan na sila sa School Division Office at Regional Office.
“They will be submitting an incident report on this,” saad ni Poa.