Aminado ang aktres at singer na si Angeline Quinto na hindi pa siya magpapakasal ngayong taon sa live-in partner niyang si Nonrev Daquina.
Napag-uusapan na raw nila ang tungkol sa kanilang wedding pero wala pa ito sa listahan ng kanilang top priorities dahil mas gusto muna nilang ibuhos ang kanilang atensyon sa anak nilang si Baby Sylvio.
“Napag-uusapan naman namin. Sabi ko lang sa kanya ayoko kasing madaliin. Kung kailan nating maramdaman na pwede na talaga, di ba? Pero sa ngayon po kasi ang priority namin ay si Sylvio,” saad ni Angeline.
Inamin din niya ayaw niyang madaliin ang pagpapakasal kay Nonrev.
“Opo, dahil nga rin po talaga gusto kong maging priority namin si Sylvio. Kasi maliit pa po. Siguro dahil din sa work ko, gusto ko munang magtrabaho nang magtrabaho dahil ilang buwan din akong hindi nakapagtrabaho nu’ng buntis ako. Parang gusto ko lang bumawi ulit,” sabi ni Angeline.
Samantala, pinaghahandaan na rin ni Angeline ang first birthday ng anak sa darating na April 27.
“Actually, nag-start na rin po kaming magplano. Ayoko naman din ng sobrang bongga. Pero ang gusto ko lang po na ‘yung mga espesyal na tao rin, family ko, family ng fiancé ko. At saka gusto ko lang mas ma-feel din ng mga guests ‘yung mas pambata talaga ‘yung party,” sabi ng singer.
Ilan sa mga ninong at ninang ni Baby Sylvio ay sina Vice Ganda, Coco Martin, Luis Manzano, Jessy Mendiola, Kim Chiu, at ang Star Magic head na si Lauren Dyogi.