Hanggang ngayon ay malaking problema pa rin ng bansa ang pagkalat ng droga lalo na nang mukhang humina ang kampanya ng pamahalaan laban sa mga illegal drugs na hindi pa rin masugpo-sugpo.
Ang mga ilegal na drogang ito ang nagiging dahilan ng karamihan sa mga nangyayaring krimen sa bansa na kadalasan ay pagpatay o kaya naman ay pagnanakaw na may kasamang pagpatay.
At isa na ngang halimbawa ay ang nangyari sa isang babaeng college student na pinatay mismo sa loob ng kanyang dormitoryo at bagama’t nahuli na ang suspek, hindi pa rin maiiwasan na maghinagpis ang mga magulang ng estudyante.
Kinilala ang nadakip na suspek na si Angelito Erlano na nahuli noong Sabado sa bahay ng isa niyang kaibigan sa Barangay Victoria Reyes sa Dasmariñas City.
Ayon sa pulisya, itinanggi ng suspek na pinagsamantalahan niya ang biktima pero napag-alamang lango rin umano sa ilegal na droga si Erlano nang pasukin nito sa dormitoryo at pagsasaksakin ang biktimang si Queen Leanne Daguinsin, 24-anyos.
Napag-alaman din sa pulisya na may kinakaharap na dalawang kaso tungkol sa pagnanakaw si Erlano at nakalalaya lamang ngayon dahil sa piyansa.
Ang mga magulang ni Daguinsin na sina Richard at Gigi, emosyonal nang malaman na nahuli na ang suspek na pumatay sa nag-iisa nilang anak na babae.
“Walang kuwentang tao yung umagaw sa buhay ng anak namin,” saad ng ginang.
Sa kabila ng lungkot at pagdadalamhati, masaya sila na dininig ang kanilang dasal na mahuli na sana ang salarin bago man lang mailibing ang kanilang anak.
Sana talaga ay mas paigtingin pa ng pamahalaan ang kampanya nito laban sa ilegal na droga upang maiwasan nang maulit ang mga ganitong klase ng insidente.